SA pagreretiro ni Jimmy Alapag noong Enero ay natuon ang pansin ng lahat kay Jayson Castro na siya niyang katuwang sa backcourt hindi lamang sa kampo ng Talk N Text kungdi sa Gilas Pilipinas.
Bilang Tropang Texters, makailang beses na ngang nagsalo para sa karangalan bilang Most Valuable Player of the Finals sina Alapag at Castro dahil sa kanilang kontribusyon sa tagumpay ng Talk N Text sa mga nakaraang conferences.
Pero siyempre, mas naparangalan si Alapag na napili minsan bilang Most Valuable Player ng liga.
Hindi kailanman naging MVP si Castro bagamat kabilang na siya ngayon sa 40 Greatest Players of the PBA tulad ni Alapag.
At siyempre, sa FIBA Asia men’s tournament na ginanap sa Pilipinas noong 2013, si Castro ang itinanghal na pinakamahusay na point guard.
So natural na si Castro ang magmana sa tronong binakante ni Alapag.
Pero teka, parang may nakalimutan ang lahat, e.
Nakalimutan nila na may ikatlong point guard pa ang Talk N Text at ito’y walang iba kungdi si Ryan Reyes. Nalimutan si Reyes dahil sa madalas siyang nasa injured list. Katunayan, noong nakaraang season ay marami siyang games na hindi nalaro.
Ab’y kung hindi injured si Reyes, malamang na hindi maramdaman ng Talk N Text ang pagreretiro ni Alapag.
Alalahanin natin na tulad ni Alapag, si Reyes ay isang dating Rookie of the Year awardee.
Kaya naman kung sakaling makababalik na sa active duty si Reyes sa 41st season ngPBA, malamang na hindi poproblemahin ng Tropang Texters ang point guard spot nila. Kaya naman nitong magtimon e.
At kung si Reyes ang magiging starting point guard, mas dadali ang trabaho ni Castro. Baka sakaling masundan na ni Castro ang yapak ni Alapag bilang MVP.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua