Mga Laro Ngayon (The Arena, San Juan)
2 pm – St. Benilde vs San Sebastian
4 pm – Letran vs Lyceum
NAKATUON ang pansin ng nangungunang Letran Knights sa ikapitong sunod na panalo sa pagtatagpo nila ng Lyceum Pirates sa 91st season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament mamayang 4 pm sa The Arena sa San Juan.
Sa unang laro sa ganap na 2 pm ay maghaharap ang San Sebastian Stags at St. Benilde Blazers na kapwa nais na makaiwas malaglag sa dulo ng standings.
Ang Knights, na ngayon ay ginagabayan ni head coach Aldin Ayo, ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa torneo. Sila ay galing sa 77-68 panalo kontra sa Arellano University Chiefs noong Biyernes.
Sa larong iyon ay nagningning si Kevin Racal na gumawa ng 24 puntos. Nagtala naman ng 13 puntos at sampung rebounds si Rey Nambatac samantalang nag-ambag ng 12 si Jomari Sollano.
Bagama’t nalimita sa siyam na puntos si Mark Cruz ay siniguro naman niya ang panalo ng Knights sa pamamagitan ng isang three-point shot may 1:52 ang nalalabi sa laro.
Ang Pirates, na ngayon ay hawak ni coach Topex Robinson, ay may 1-5 record at nasa ikapitong puwesto kasama ng EAC, St. Benilde at San Sebastian. Galing ang Pirates sa 109-95 kabiguan buhat sa Cardinals.
Ang Pirates ay pinangungunahan ng import na si Guy Mbida na tinutulungan nina Joseph Gabayni, Jebb Bulawan, Wilson Baltazar at Jeremiaj Taladua.
Ang Stags ay hawak ngayon ni Rodney Santos na humalili kay Robinson. Kabilang sa inaasahan ni Santos sina Bradwyn Guinto, Jamil Ortuoste at Michael Calisaan.
Si St. Benilde coach Gabby Velasco ay sumasandig naman kina Jonathan Grey, Pos Saavedra, Jeffrey Ryan Ongteco at Ralp Deles.
(SABRINA PASCUA)