IPINAGPALIBAN ng National Collegiate Athletic Association ang mga laro kahapon upang makiisa sa ‘quake drill’ na isinagawa sa Metro Manila.
Magandang gesture ito galing sa pinakamatandang organized sports body sa bansa.
Siyempre, sa dami ng mga estudyante ng sampung member schools ng NCAA, mabuti na nga naman na ang mga ito ay manatiling handa sa kung ano ang puwedeng mangyari sakaling lumindol nga. Kita naman natin na parang iniisa-isa na ang mga kanugnog bansa natin. At maging ang ilang lalawigan natin ay nakaranas na rin ng lindol kamakailan.
Pero may mga nagsabi na tila mas maganda kung itinuloy ng NCAA ang mga itinakdang laro sa The Arena kahapon at saka sinabayan ang ‘quake drill.’
Kumbaga’y nakita raw sana kung ano ang dapat gawin sakaling magkaroon nga ng lindol habang may nagaganap na laro. Mas realistiko sana ang paghahanda.
Kasi nga ay puwede naman talagang magkalindol sa kahit na anong oras. At mas matindi ang emergency sakaling nagkaroon ng lindol habang may laro.
E paano kung championship pa ang game? E di ibig sabihin ay puno ang venue. Baka sa Araneta Coliseum o sa Mall of Asia Arena pa ginaganap ang laro. Mas malaki. Mas marami ang mga nanonood.
Iyon ang mas kailangan ng matinding paghahanda!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua