NGAYON pa lamang ay marami na ang nanliligaw sa KIA Motors na ipamigay ang first round pick nito sa 2015 PBA Rookie Draft na magaganap sa Robinson’s Manila sa Agosto 23.
Ikalawang pipili ang KIA matapos ang Talk N Text na nakakuha ng No. 1 pick overall buhat sa Blackwater Elite sa pamamagitan ng trade bago pa man nagsimula ang 40th season.
Pawang mga big men ang inaasahang unang mapipii sa Draft. Nandiyan sina Moala Tautuaa at Norbert Torres ng Cebuana Lhuillier at Troy Rosario ng Hapee Toothpaste.
Kung magbabago ang isip ni Bobby Ray Parks, na kasalukuyang nasa camp ng Dallas Mavericks, puwede din siyang maging bahagi ng pagpipilian.
Siyempre, nandiyan pa ang mga tulad nina Art dela Cruz, Baser Amer, Scottie Thompson, Maverick Ahanmishi, at marami pang iba. Pero natural na ang mauunang pipiliin ay ang mga higante. Ika nga sa basketball ay “You cannot teach height!”
Kung ikaw ang pamunuan ng KIA, ipamimigay mo ba ang first round pick mo?
Natural na umaasa ang KIA na mag-iimprove sa ikalawang season nito sa PBA. Kaya nais nitong palakasin ang kasalukuyang line-up.
Hindi naman natin masasabi na porke’t ipinamigay ng isang koponan ang draft pick nito ay hindi ito lalakas.
Puwedeng lumakas ang KIA kahit na ipamigay ang draft pick nito.
Ito ay kung makakakuha ng magandang kapalit ang KIA. Kung matindi ang manlalarong ipamimigay ng koponang nais na makipagpalit.
Naalala ko tuloy na minsan ay nasabi ng isang opisyal ng KIA na puwede nitong ipamigay ang No.2 pick kung ang kapalit ay si Jayson Castro. Matagal na ang statement na ito kaya hindi natin alam kung guwardiya pa rin ang kailangan ng KIA.
Hind naman palaging seven footer ang magiging import ng KIA, e. Isa pa’y wala namang import sa Philippine Cup.
Ang kailangan ng KIA ngayon ay isang franchise player na puwedeng itapat sa big men ng ibang koponan.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua