KLARO ang pananagutan ni Valenzuela Mayor Rexlon Gatchalian sa pagkamatay ng 72 manggagawa dahil sa sunog na naganap sa Kentex Manufacturing, ang pabrika ng tsinelas na pag-aari ni Veato Ang sa Barangay Ugong.
Mismong si Presidente Benigno Aquino III ang nagsabi na dapat managot si Gatchalian at ang iba pang opisyal na sangkot sa pagmamaniobra ng papeles ng Kentex Manufacturing kung bakit sila nakakuha ng Mayor’s permit kahit kulang ang kanilang business permit requirements.
Ang sabi nga ng Pangulo, maaaring sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at falsification of documents dahil binigyan ng business permit ang Kentex Manufacturing kahit bagsak sa fire safety inspection.
Ibig sabihin, mayroon paglabag ang Kentex Manufacturing na kinonsinti ng Valenzuela local government kaya nakakuha ng Mayor’s permit.
Hindi p’wedeng itanggi ni Mayor Rex na wala siyang alam diyan dahil ibig lang sabihin na posibleng maraming nakalusot na nakakuha ng Mayor’s permit kahit kulang ang mga rekesitos.
Diin ni PNoy, “For instance, ‘yung local government unit, alam ninyo na requirement ‘yung fire safety inspection certificate, binigyan ninyo ng business permit, binigyan din ng certificate of occupancy na walang fire safety inspection certificate.”
What the fact!?
Akala pa naman natin ‘e genuine ang pagpapaunlad ni Rex Gatchalian sa Valenzuela, hindi pala.
Ang tunay na pagpapaunlad sa isang komunidad ay nakabase sa pag-unlad ng kanyang mamamayan.
Kung maraming manggagawa ang hindi tinatrato nang tama sa loob ng isang pabrika, ibig sabihin lang na peke at hindi genuine ang pag-unlad na ipinamamarali ng mga Gatchalian sa Valenzuela.
Hindi puwedeng sabihin na isolated case lang ang nangyari sa Kentex Manufacturing lalo’t nabisto na maraming establisyemento ang kulang ng rekesitos pero nakakuha pa rin ng Mayor’s permit.
Hindi kukulangin ‘yan sa 20 establisyemento na nainspeksiyon na ng Bureau of Fire (BFP), ‘e paano pa kaya ‘yung mga hindi pa naiinspeksiyon?!
Sandamakmak ang mga pabrika sa Valenzuela, di ba?!
Tsk tsk tsk…
Gusto ko sanang maniwala sa mga Gatchalian, pero hindi ko magawa!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com