Saturday , November 23 2024

Sen. Chiz Escudero ayaw na sa VP  na may letrang B

00 Bulabugin jerry yap jsyTULUYAN nang ibinasura ni Senator Chiz ‘heart’ Escudero ang kanyang suporta sa VP na may letrang B nang siya ay pumirma sa Senate blue ribbon subcommittee plunder report laban kay Vice President Jejomar “Jojo” Binay.

Ito ay matapos kompirmahin ni Senator Grace Poe na nilagdaan niya ang nasabing plunder report na ihahain sa Ombudsman for further investigation.

Marami ang nagsasabi na ang ginawa ni Sen. Grace ay tila deklarasyon na ng giyera laban kay VP Binay. Mayroon din namang nagsasabi, na maagang ipinakita ni Sen. Grace ang pagiging inggrata.

Kung inyo pong matatandaan, si VP Binay ay hindi lang basta sumuporta sa kandidatura ng aktor na si Fernando Poe Jr., nang tumakbong pangulo ng bansa laban kay dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, siya rin ang campaign manager ng tatay ni Sen. Grace.

Magkasama sina VP Binay at Senator Chiz sa labang iyon.

Kaya marami ang nagulat sa ginawa ni Sen. Grace. Nagulat dahil hindi nila akalain na magagawa ng Senadora iyon. Pero ginawa nga niya at tila pinatutunayan ang kasabihang… “my loyalty to my party and associates end where my duty to my country begins.”

At diyan sa ginawa n’ya ay maraming kababayan natin ang humanga pati na ang inyong lingkod.

Pero mukhang hindi nag-iisa si Sen. Grace dahil sinundan na siya ng kanyang kinakapatid na si Sen. Chiz.

Hindi na kuwestiyon ngayon kung kanino ba magiging tapat, si Sen. Chiz, kay Binay ba o sa bayan?!

Kung hindi tayo nagkakamali, kailangan makakuha ng siyam (9) na boto ang plunder report mula sa 17 miyembro ng subcommittee para maisampa ang kaso sa Ombudsman.

Sa pinakahuling balita, umabot na sa 10 ang mga Senador na lumagda sa plunder report at kasama na nga rito si Senator Chiz.

Mukhang matutuloy na kasong plunder laban sa mag-amang Binay sa Ombudsman.

Tsk tsk tsk

Tumulo ang kisame at bumaha sa P1.4-B newly rehabilitated  NAIA Terminal 1

PARANG napunta raw sa Ocean Park ang mga empleyado at pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nang bumuhos ang malakas na ulan nitong nakaraang linggo.

Nag-trending pa nga sa social media ang kuhang retrato ni NAIA press corps president Raoul Esperas sa nasabing insidente.

‘E paano ba naman, pagbuhos ng ulan, tumagas sa kisame deretso sa baldosa, hayun naglawa sa NAIA T1.

Mabilis na nagpayong ang mga empleyado at pasahero para huwag mabasa ng ulan habang kumuha naman ng timba at balde ang utility workers para huwag tuluyang magkaroon ng ‘swimming pool’ sa ‘newly-rehabilitated’ NAIA terminal 1 under D.M. Consunji Inc. (DMCI) na mayroong P1.4 bilyon ang inilaang budget ng gobyerno.

Ano ba ‘yan?!

Parang ulan na lang ba na mapupunta sa kanal ang P1.4 bilyon gastos mula sa taxpayers’ money?!

Bilyon po ‘yan, hindi milyon. Tapos water proofing  lang, hindi pa nagawa nang ma-ayos?!

What the fact?!

Mukhang pagkatapos kumita ng DMCI, ‘e hindi na   tiniyak na magiging pulido ang kanilang trabaho.

Bakit kapag private ang kliyente ng DMCI, maayos naman ang kanilang trabaho?! ‘E bakit kapag proyekto sa gobyerno, palpak ang DMCI?!

Magkano kaya ang totoong budget na nahawakan ng DMCI at tila tinipid ang rehabilitation sa NAIA Terminal 1?!

Pwede bang paimbestigahan ni GM Bodet Honrado ‘yan?!

MTPB nag-kukumpulan lang kahit bumper to bumper ang traffic sa kalsada

SIR JERRY nagtataka po ako sa attitude ng mga traffic enforcer ng MTPB lalo na po diyan sa harap ng City Hall at harap ng MET sa kanto ng naghihiwalay na direksiyon patunging McArthur at Quezon Bridge.

Ang mga MTPB traffic enforcer ay fault finder hindi tagaayos ng trapiko. Nagkukumpulan sila sa isang lugar para abangan kung sino ang magkakamaling driver. Dahil bumper to bumper ang traffic, didiskarte ang driver na makauna at malampasan ang heavy traffic. Sa ganoong sitwasyon, aabangan sila ng traffic enforcer at ‘pag tapat sa kanila, HULI!

Hindi ba ang tungkulin ng traffic enforcer ay  pagaanin ang daloy ng mga sasakyan? E paanong luluwag ang traffic sa Maynila, lahat ng butas (daanan/lusutan) tinakpan kaya ang lahat ng sasakyan ay nakaimbudo patungong Taft Avenue. Imbes na ‘yung mga papuntang Paco, Pandacan at Makati area makalusot na sa San Marcelino (kung hindi isinara ang daan sa city hall) ang nangyayari tuloy dederetso pa sa Taft hanggang U.N. Avenue at Pedro Gil at doon lamang maghihiwalay ang mga papunta sa Paco/Pandacan at Makati.

Mukhang ang objective ng MTPB traffic enforcer makapanghuli ng maraming driver para pagkitaan nila hindi ‘yung pagaangin o paluwagin ang trapiko sa Maynila.

Wala na ba talagang pag-asang umayos ang traffic sa Maynila?!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *