MPD official kinuyog ng Divisoria vendors (Napuno na ang salop?)
Jerry Yap
May 31, 2015
Opinion
NABALITAAN natin na hindi maganda ang naging karanasan at nanganib ang buhay ni Manila Police District BC DPSB chief S/Supt. Marcelino Pedrozo, Jr., sa Divisoria vendors.
Naglunsad umano ng clearing operations ang grupo ni Kernel Pedrozo sa Divisoria area, pero nang pakialaman at tangkang sisirain o kokompiskahn ang mga paninda nila, nagalit ang mga vendor at kinuyog umao ang ilang pulis na nagkataong kasama doon si Kernel Pedrozo.
Mabuti na lamang at walang masamang nangyari kay Kernel Pedrozo. Buti na lang at walang nanaksak o namukpok ng bote at mabilis na naitakbo agad sa ospital ang MPD official.
Ayon sa ilang sentimyento na narinig natin, masama na raw talaga ng loob ng mga vendor.
Matagal na raw kasi silang nagtitinda sa area na ‘yan pero parang walang pagsisikap ang ilang loca officials na isaayos ang kanilang kalagayan.
Kung kukuwentahin naman umano ang perang naibibigay nila sa mga nagpapaikot, halos malaki pas a gastos nila kapag naglalakad ng permit sa city hall.
At isa ‘yun sa sama ng loob nila. May permit na sila pero sandamakmak na yunit ang umiikot sa kanila para sa ‘tara’ na hindi naman nila matanggihan dahil tiyak mapeperhuwisyo sila nang husto.
Isa pang sentimyento, nagbibigay na umano sila, sinasagasaan pa sila ng mga clearing operations at sinisira pa ang paninda nila.
Malaking perhuwisyo nga naman ‘yan para sa kanilang kabuhayan.
Maghapon, magdamag na nga naman silang naghahanapbuhay para huwag makapamerhuwisyo sa kapwa pero parang sila naman ang ginigipit nang husto.
‘Yan ang dapat paimbestigahan ni Kernel Pedrozo. Sino-sino sa mga tao niya ang panay ang orbit sa mga vendor at namemerhuwisyo pa.
By the way, déjà vu ba ito Kernel Pedrozo?!
Naalala mo ba noong kinuyog ka ng mga adik sa Balic-Balic noong senior inspector ka pa lang at nakatalaga sa MPD Sta. Mesa station?!
Mukhang kailangan mong dagdagan ang agimat mo sa katawan, Kernel, lalo na kung papasok ka sa mga ‘clearing’ operations.
Ingat-ingat din kapag may time.
Annoying messages ng PLDT nakapangha-harass sa senior citizen
ANNOYING MESSAGES NG PLDT NAKAPANGHA-HARASS SA SENIOR CITIZEN
GOOD day po sir Jerry. Nag-email po ako sa inyo para ipaabot ang aking palagay na hindi makatarungang pagpapadala ng annoying message ng PLDT sa kanilang clientele na hindi agad nabayaran ang kanilang latest phone bill.
Ang bill nila ay late na nai-deliver sa akin kaya hindi ko agad nabayaran at mula noon tuwing gagamitin ko ang phone ko meron advisory sila na nagsasabing meron akong unpaid bill.
Last May 21 nagkasunog po rito sa lugar namin sa Leyte del Sur pagitan ng Visayan at Mindanao Ave., Sampaloc, Manila at dahil malapit sa bahay ng anak namin tumawag ako sa volunteer fire brigade but it takes me a minute or so bago ako nakakontak dahil nga sa kanilang annoying message.
Palagay ko po hindi tama ang pagsasagawa nila ng ganitong reminders sa kanilang loyal customers lalo na sa emergency case na nakasalalay ang buhay at ari-arian.
Isa po akong senior citizen na kailangan ko ang telepono para sa mga emergency cases para tawagan ang mga mahal ko sa buhay.
Nag-email na po ako sa PLDT customer care service nila para alisin ang nasabing annoying messages pero hanggang ngayon ay naroroon pa rin ang nasabing mensahe nila. Sinabi ko na rin sa kanilang pamunuan na hinihintay ko lang ang pagdating ng kanilang latest bill para mabayaran ko na lahat sa bayad center pero bingi po sila sa kalagayan ng isang matanda na katulad ko.
Nakai-stress sa amin mga may edad na ang gayong mga mechanical messages lalo at may biglaan kaming pangangailangan sa aming kalusugan.
Bale one month lang po ang hindi ko agad nabayaran sa halagang 775.75 pesos at wala po akong record na nagkaroon ako sa kanila ng mga hindi nabayaran previous bill sa nakaraang dalawang dekada na subscriber po nila ako. Okey lang po sana kung once or thrice lang sila magpadala ng advisory hindi iyong everytime na tatawag ka sa telepono iyon agad ang bubungad sa iyo.
It’s really annoying.
Sana Sir Jerry, maipaabot po ninyo ito sa media para matulungan ang mga tulad naming subscriber ng PLDT sa hindi nila tamang pagtrato sa kanilang customer. ‘Pag nasira naman po ang line namin minsan one week bago dumating service technician nila pero wala kaming ginagawang annoying call or message sa kanilang kompanya dahil monopolize nila ang communication industry sa bansa natin. This is not fair enough.
Isinulat ko lang po ito sa inyo para maiparating ninyo sa kanilang pamunuan na mali ang ginagawa nilang iyon at hindi iyon makatao. Kung ito ay mangyari man sa inyong magulang o kamag-anak palagay ko madarama rin ninyo ang kaapihang inabot ko. Sana po sir Jerry mailabas ninyo ito sa inyong kolum sa inyong pinagpipitaganan pahayagang Hataw.
God Bless and thank you for any help and consideration you may extend to me.
More power to all of you for your bravery in exposing different corruption in our government and police unit.
Gumagalang,
Erlinda Velarde
PLDT Subscriber
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com