MARAMI po tayong natatanggap na tawag, text and private messages na nagrereklamo dahil halos apat na buwan nang laging delay ang release ng suweldo ng mga airport employees na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Noon kasi, 3 days before the payday, nasa ATM na nila ang kanilang mga suweldo.
Pero iba raw po ngayon. Late daw lagi ngayon nang halos 2 to 3 days ang kanilang suweldo.
Ang pirmi umanong ikinakatuwiran ng mga taga-MIAA Admin kapag nagpa-follow-up sila, ‘e hindi pa raw pirmado ni GM Bodet Honrado.
Gaya kahapon, petsa 29 na at araw na ng Biyernes, wala pa rin. Ang petsa 30 at 31, ay weekend at ang Hunyo 1 ay unang araw ng pasok sa mga pampublikong paaralan, pero wala pang suweldo ang Airport employees.
Ang pagkakaalam natin, nag-general assembly kahapon sa harap ng tanggapan ng Samahan ng mga Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP), para-pag-usapan ang nagiging talamak na delay sa kanilang suweldo.
Mahirap nga naman ang kalagayan ng mga pangkaraniwang empleyado na hindi pa man sumasayad ang suweldo sa kanilang mga palad, naka-atado na para sa iba’t ibang gastusin.
Kumbaga, pinag-aagdong lang ang kanilang budget, kaya kapag na-delay t’yak maaapektohan na ang mga susunod pa at mapipilitan na silang kumagat sa 5-6.
Lalo na nga ngayong panahon na ito na magsisimula na naman ang eskuwela.
‘Yan po ang dahilan kung bakit nakikiusap sila na maiparating natin sa kinauukulan, lalo na sa tanggapan ni GM Bodet Honrado ang kanilang karaingan.
Maraming salamat po sa pagtitiwala at sana po ay nakatulong tayo para maipaabot ito sa kinauukulan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com