ISANG taon bago ang 2016 elections, nagdeklara na si Pangulong Benigno Aquino III kung sino ang magiging pambato ng Liberal Party.
S’yempre walang iba kundi ang herederong si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Kung credentials ang pag-uusapan, walang kuwestiyon kay Secretary Mar. Bukod sa matalino, masasabing diligent din siya at determinado. At nakita natin ‘yan sa iba’t ibang gawain o posisyon na naiatang sa kanya, sa panahon ng kanyang panunungkulan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Bago pa man siya pumasok sa larangan ng serbisyo publiko, nasubok na ang kanyang kakayahan sa pamamahala ng kanilang family business. Alalahanin na siya ay isa mga heredero ng Araneta.
Minsan na niyang pinamahalaan ang Araneta Complex na pinaniniwalaang naglagay sa Cubao sa mapa ng mga hi-end commercial centers kasunod ng Greenhills sa San Juan.
Kaya kung pamamahala sa ekonomiya ng bansa ang pag-uusapan, masasabi nating isang tunay na technocrat si Mar Roxas.
Ano ang dapat arestohin ni Mar sa kanyang mga katangian?!
Unang-una na ang imaheng aristokrato. Normal ito sa kanya, dahil siya ay mula sa lahi ng mga haciendero. Para sa kanyang mga kauri, isang kapita-pitagang imahe ito, pero para sa masa, maa-aring ito ang maglayo ng kanilang kalooban sa kanya.
In short, hindi raw pang-masa ang appeal ni Secretary Mar. Wala siyang charisma sa masa. At mukhang ‘yan ang hindi kaya ng kanyang mga adviser, ang ilapit si Mar sa masa.
Malaki ang pangangailangan ng kampo ni Mar na magkaroon sila ng mga political adviser at political strategist na aaresto sa kanyang Aristocrat image.
Hindi ‘yung lahat na lang ‘sulsultant’ pero walang ‘bilang’ sa popularisasyon ng imahe ni Mar.
Turuan rin sana si Secretary Mar na ibagay ang kanyang pananamit at kilos sa mga lugar na pupuntahan niya. Nagmumukha kasi siyang ‘out of place.’
Ang kanyang Mr. Palengke image ay winasak ng mga photo op nang lumindol sa Bohol at nagtayo ng tent pero naka-office attire. Pinagkarpintero pero halatang-halatang hindi marunong humawak ng martilyo. Nagbuhat ng bigas pero naka-polo shirt na puti at nakasapatos na katad.
Talaga bang mga kakampi ni Secretary Mar ang nagpagawa sa kanya nang ganyan?!
Pero isa sa personal nating hinahangaan kay Secretary Mar, ‘yung hindi siya nasabit sa kahit anong anomalya at katiwalian.
No overprices, no kickbacks and no pork barrel.
Hindi rin siya matakaw sa puwesto. Hindi ba’t nakuha niyang magsakripisyo pabor sa mga Aquino?
Ilan lang ‘yan sa mga litaw na magandang katangian ni Secretary Mar bilang isang public servant.
Ano pang hahanapin natin kay Secretary Mar?!
Wala nang iba, si MAR na nga!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com