ni Ed de Leon
SIGURADO kami, marami ang magugulat kung mapapanood nila ang bagong serye ng ABS-CBN, ang Pasion de Amor. Kami mismo noong makita namin ang kanilang trailer at AVP, natawag ang aming pansin ng napakagandang photography. Parang visual ng isang malaking pelikula ang ating nakita. Para kang nanonood ng isang super production talaga.
Nang ipakilala naman nila ang kanilang cast, on their own ay naging bida na sila sa kani-kanilang teleserye, pero ngayon pinagsama-sama nila sina Jake Cuenca, Ejay Falcon, at Joseph Marco. Matindi rin naman ang mga leading ladies nila na sina Ellen Adarna, Coleen Garcia, at Arci Munoz. Napakalaki ng casting na iyan, at sinasabi nga nilang sa gastos pa lamang sa malaking casting, baka makagawa ka na ng 10 indie film.
Pero ganoon talaga ang idea riyan sa seryeng Pasion de Amor. Kailangang gawin iyang malaki dahil ang original niyan na isang drama mula sa Colombia, at naisalin na sa iba’t ibang language at naging top rater sa mahigit na 40 bansa na. Hindi puwedeng basta-basta ang gawin sa Pilipinas.
“Noong ibigay sa akin ang project, alam ko malaki ito. Noong makita ko ang script, nasabi ko nga sa kanila, talo pa nito ang trabaho sa dalawang pelikula. Talagang matrabaho at kailangan mong busisiin ang bawat eksena. Kaya sabi ko nga sa kanila, bigyan naman nila ako ng panahon. Hindi puwede rito iyong kagaya ng ibang serye na sagaran ang taping tapos every other day.
“In the first place, ang problema mo rito, kailangan maintained ang magagandang hitsura ng lahat ng characters mo. Hindi puwede ang mga artistang mukhang puyat na o nanlalata. Mabuti naman naintindihan nila, binigyan nila ako ng sapat na lead time para makatapos muna ng maraming episodes bago kami magsisimula ng airing next Monday. Ibig sabihin hindi ako maghahabol ng kasunod,” sabi ni director Eric Quizon.
Ang orientation naman kasi ni Eric pampelikula talaga eh. Kaya malinis gumawa iyan kahit na ng serye sa telebisyon.