PINANINDIGAN na ng Palasyo, kinatigan pa ng Supreme Court.
Tinutukoy po natin dito ang hindi kukulangin sa 50 container vans ng waste materials. Sa Tagalog, basura mula sa Canada na dinala rito sa ating bansa.
Kung hindi tayo nagkakamali, nagsampa ng kaso ang Bureau of Customs (noong panahon ni Commissioner John Sevilla), laban sa importer ng nasabing 50 container vans.
Ang reklamo ay paglabag sa Sections 3601 & 3602 of the Tariff and Customs at Republic Act 6969 (Toxic Substance and Hazardous Wastes and Nuclear Wastes Control Act of 1990 and Article 172 in relation to article 171 of the Revised Penal Code for Falsification) laban kina Adelfa Eduardo, may-ari ng Chronic Plastics, isang kompanya na nakabase sa Canumay, Valenzuela City; isang Flores at isang Sherjun Saldon.
Batay sa RA 6969, labag sa batas ang importasyon ng hazardous materials papasok sa bansa habang ang TCCP naman ay criminally liable dahil sa ilegal na importasyon.
Malinaw na ang nasabing importasyon ay ilegal dahil mayroong paglabag sa proseso at misdeklarasyon sa dokumento.
Bukod pa na malaking banta iyan sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Idineklarang scrap plastic materials for recycling umano ang nasabing 50 container vans ng basura mula sa Canada.
Dumating ito sa Manila International Container Port (MICP) noong Hunyo – Agosto 2013 pero kinompiska ng Customs Police at mga operatiba ng Enforcement Group nang matuklasan sa spot inspection na ang laman ay “used mixed and unsorted” or “heterogeneous” plastic materials,” kabilang ang household garbage at used adult diapers.
Malinaw umano na hindi ‘homogeneous’ or recyclable plastic scrap materials gaya ng idineklara ng importer.
Nagkaroon din ng clamor na ipabalik ang nasabing mga basura sa Canada pero hindi ito sinang-ayunan ng Malacañang at ang masama pa, mukhang ibinasura ng Supreme Court ang reklamo ni Sevilla.
Nakatatakot ang ganitong kostumbre ng mga opisyal ng ating pamahalaan.
Parang hindi na nila alam kung ano ang tama at mali. Kaligtasan at kalusugan na ng mamamayan ang nanganganib dito pero mukhang, balewala lang sa gobyerno.
Tsk tsk tsk… inuulit lang po natin ang tanong, inaalyado o kinakaibigan ba tayo ng mga bansang kaalyado ng Estados Unidos gaya ng Japan at Canada para gawin lang tayong basurahan?!
Masyado na yatang masakit sa dibdib ang ginagawang pambu-bully sa atin ng ibang bansa?!
Lagi na lang bang magsasawalang-kibo ang mga pinuno ng ating pamahalaan?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com