HETO na, hindi nga tayo nagkabisala.
Umuulan na ng bakbakan at mukhang nagpipiyesta na ang mga political operator.
Nagpapalitan na ng operation ang mga upahan at mersenaryong political operator ng administrasyon at oposisyon.
Umupak ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban kay Vice President Jejomar Binay at ipina-freeze ang kanyang bank accounts at mga asset, sabay upak na iyon daw ay mula sa kanyang mga overpriced deals sa kanilang siyudad at ang mga hindi umano maipaliwanag na asset ng buong pamilya.
Hindi naman daw kasi galing sa buena familia o mga lahing asendero ang mga Binay kaya nakapagtatakang makapagkamal sila nang ganoong yaman.
Kaya naman ang hinuha at haka-haka ng mga nag-uututang-dila sa mga coffee shops ‘e gumanti ang unang naupakan at kinaladkad sa media ang US citizenship ni Senator Grace Poe.
Base sa napakalaking balita na lumabas sa ilang broadsheets si Senator Poe pala ay may dual citizenship.
Kaya mayroon siyang dalawang passport, isang US passport at isang Filipino passport.
Huling ginamit umano ni Senator Poe ang kanyang US passport noong Disyembre 27, 2009 habang ang kanyang Philippine passport ay ginagamit niya ngayon sa pagbiyahe-biyahe.
Wala rin itong ipinag-iba noong tumakbong presidente ang kanyang tatay na si Fernando Poe Jr., kinuwestiyon din ang citizenship.
Ngayong pumutok na ang isyung ‘yan, mukhang dapat nang magdesisyon si Senator Poe kung ano ang pipiliin niyang pagkamamamayan — Pinoy ba o Kana!?
Pero ang mas mabigat na isyu d’yan, hindi kaya mabalewala ang kanyang pagiging No. 1 Senator kapag may nagpetisyon sa korte na balewalain ang kanyang pagkapanalo sa eleksiyon dahil hindi siya naging tapat sa sambayanan sa isyu ng kanyang pagkamamamayan?
Kung dati ay pinag-aagawan siyang maging Presidente o Bise Presidente ng iba’t ibang partido, kapag naipetisyon na ibasura ang pagkakahalal sa kanya bilang No. 1 Senator, kahit barangay kagawad, tiyak wala nang kukuha kay Senator Grace Poe.
Tsk tsk tsk… magagalit na naman n’yan si Inday!