Caloocan Sports Complex bibigyang katuparan na ni Mayor Oca Malapitan
Jerry Yap
May 11, 2015
Opinion
MARAMI tayong tropa na mga batang-Kankaloo ang tuwang-tuwang nagbalita sa atin kamakailan na isasakatuparan na ni Mayor Oca Malapitan matagal nang pinapangarap na Caloocan City Sports Complex.
Ayon pa sa ating mga tropa, itatayo ang P300-M sports complex sa Bagumbong (Barangay 171).
Sa pamamagitan umano ng 2014 Supplemental Budget No. 14 na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod Ordinance No. 0541, nailaan sa proyekto ang halagang P300 milyon para sa kabuuang kontrata.
Aabutin lamang ng mahigit isang taon (540 calendar days) kapag nasimulan na ang proyekto sa pamamagitan ng isang kuwalipikadong bidder.
Moderno ang sports complex na ipatatayo ni Mayor Oca. Mayroon itong covered arena na may seating capacity na 3,000 pax, isang semi-olympic swimming pool, tennis courts, jogging/running path, mga gazebo, leisure park, badminton court at malaking parking lot na naglalayon mapakinabangan ng mga mamayan ng lungsod.
Ayon kay Mayor Oca, “Ang 1.7-hectare facility, will soon host a number of exciting games from maybe the Philippine Basketball Association (PBA), boxing fights, professional volleyball tournaments, national athletic meets, and concerts from popular artists.”
Kasabay umano ng pagde-develop ng sports sa lungsod ay magbibigay din ng Class A facilities para sa mga kabataan na maaaring pagdausan ng mga micro-entrepreneurs event at paglalagyan ng kanilang mga paninda lalo na kung may malalaking sports event.
“This is the first ‘seed’ that we are planting in Bagumbong, hoping that it would be an stimulus for other businesses to also ‘plant’ their ‘seeds’ in the area for economic gains,” pagbibigay-diin ni Mayor Oca na naniniwalang isang maganang legacy ito para sa mga taga-Caloocan.
Diyan naman tayo bilib kaya Mayor Oca, alam niya kung ano ang kanyang prayoridad at kung ano pa ang maitutulong niya sa kanyang mga constituents.
By the way, bakit ba hindi naitayo ng dating administrasyon ang isang modernong sports complex nitong nakalipas na siyam na taon?
Palagay natin, ‘e alam ng mga taga-Kankaloo ang rason kaya nga si Mayor Oca Malapitan ang pinili nilang maging Mayor.
Tuloy lang Mayor Oca dahil ang tunay at tapat na gawa ay may katapat na karampatang tiwala!
Bulok na serbisyo sa Jose Reyes Memorial Medical Center (Attention: DOH Sec. Janette Garin)
SANDAMAKMAK na reklamo pa rin ang ating natatanggap hinggil sa napakasamang serbisyo ng JRMMC.
Isang kaso na rito ang CT SCAN na talaga namang para kang dumaraan sa butas ng karayom.
Sa paghihintay lang ng proseso at sa dami ng rekisitos baka mauna pang matodas ang kamaganak ng pasyente!
Naiintindihan naman ng mga pobreng pamilya na sa isang government hospital ay kailangan magpa-schedule bago maisagawa ang isang laboratory test.
Kaya naman nagmamadali sila na makapag-comply sa requirements para sa naka-schedule na CT scan. Kung dati raw ay 2-3 araw bago ma-schedule, ngayon masuwerte nang abutin ng dalawang linggo bago pa ma-schedule!?
Maswerte na rin kung ma-schedule ng 10 araw, sabi pa ng isang nurse sa radiology section ng JRMMC!
Sec. Garin, what the fact!?
‘E paano kung cancer patient o mas malalang karamdaman ang magpapa-schedule for lab test!? Nganga bago matodas!
Isa pang issue sa JRMMC ay pawang OJT nurses ang humaharap sa publiko at tumatanggap ng mga dokumento para sa CT scan bago magbayad. Sila rin ang magbibigay ng dokumento sa doctor kung kailangan ipaulit ang blood test.
Nasaan ang mga plantilla position na nurses!?
Pababalik-balikin sa kakukuha ng clearance at pauulitin ang blood test bago magbabayad rin naman pala ng P6,000 pero aabutin pa rin ng isang buwan bago maisalang sa CT-scan?!
Ganyan ba ang health services sa isang government hospital under national government, Secretary Garin?!
Malayong malayo ang serbisyo ng JRMMC sa Fabella hospital.
Health Secretary Garin, pakitutukan ang lalo pag sumasamang serbisyo medikal sa mga government hospital under DOH!
Pahinga muna sa mga pa-cute na press release!
Puwede ba, Secretary Garin!?
BI employees naiingit sa BOC at BUCOR
Maraming taga-Bureau of Immigration (BI) ang inggit na inggit raw ngayon sa nangyari sa Bureau of Customs dahil mabuti pa raw sa kanila, nag-resign at napalitan na ang kanilang commissioner.
Dito raw sa BI kahit sandamakmak na negative issues ang pinupukol sa kanilang commissioner ay nananatili pa rin na kapit-tuko sa puwesto!?
Sa tinagal-tagal na rin daw ng pagkakaupo, wala rin namang tunay na pagbabago at ni hindi naman napagaan ang kanilang estado sa Bureau.
Ang nagbago lang daw ay nagkaroon ng bagong lovelife si bossing!?
Saan ka rin naman nakakita ng ahensiya ng gobyerno na hindi maganda ang working relationship ng Commissioner at ng kanyang dalawang Associate Commissioners!?
Idagdag pa ang demoralisasyon ng nga empleyado sa latest hiring & promotion ng Immigration.
Magbibitiw na rin daw sa puwesto si Bucor Director Franklin Bucayu dahil ilang beses nang nabubukayo sa mga shabu laboratory sa NBP. Akala ng lahat kapit tuko rin si Bucayu pero hindi rin pala.
Talagang iba nga naman daw kapag may “delicadeza” ang isang tao basta nagkaroon ng issue madaling tablan ng HIYA!
Oras na siguro para makialam na si Pnoy sa mga nangyayari ngayon sa Immigration.
Take note SOJ Leila de Lima!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.590.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com