ni James Ty III
HABANG marami ang nasa bahay o nasa mga restaurant upang panoorin ang laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather noong Mayo 3, Linggo ay sumugod ang mga Kapamilya star upang sumabak sa iba’t ibang sports events sa taunang Star Magic Games 2015 na ginanap sa kampus ng La Salle Greenhills sa San Juan.
Sinamantala ng mga artista ng ABS-CBN ang hindi pag-ere ng noontime show na ASAP 20 noong araw na iyon para isagawa ang Star Magic Games.
Nagbigay si Piolo Pascual ng opening remarks habang si Gerald Anderson naman ang nanguna sa pagsasabi ng oath of sportsmanship.
Si Joseph Marco naman ang nanguna sa pagdarasal bago nagsimula ang mga laro.
Pagsapit ng tanghali ay pansamantalang itinigil ang mga laro para bigyan ng pagkakataon ang mga artista na panoorin ang laban nina Pacquiao at Mayweather sa isang giant screen sa loob ng gym sa La Salle Greenhills.
Siyempre, nalungkot sila nang nalamang natalo si Pacquiao sa unanimous decision.
Ilan sa mga artistang nagpakitang-gilas sa kani-kanilang events ay sina Gerald, Daniel Padilla, at Xian Lim sa basketball; Julia Barretto, Kim Chiu, Sofia Andres, Liza Soberano, at Kathryn Bernardo sa volleyball; Piolo, Erich Gonzales, at Jane Oneiza sa badminton; at Enchong Dee sa swimming.
Naging MVP sa basketball si Gerald sa senior division at si Daniel naman ang naging MVP sa junior division.
MVP sa badminton si Erich samantalang MVP naman si Enchong sa swimming.
Nakausap naman namin ang ilang mga artista tungkol sa kanilang pagsali sa Star Magic Games.
“Third time kong pagsali sa games at okey naman ako kasi third place kami sa badminton,” ayon kay Jane.
“Ninerbiyos ako kasi first time kong sumali,” dagdag naman ni Sofia.