ni Danny Vibas
KAYA pala proud na proud ang Star Award winner ng New Movie Actor of the Year na si Vince Tañada na idispley ang katawan n’ya sa mga posting sa Facebook ay dahil dati siyang 200 pounds (gayung ni wala pa yatang 5′ 5″ ang height n’ya). Botsok na botsok siya noon.
Pinaghirapan nga naman n’ya ang pagpapaganda ng katawan at sabi ng mga hilong-talilong na mga Kano, ”If you got it, flaunt it!”Kaya, hayun, may pictures din siyang nakalabas ang medyo mabalahibong kili-kili, na siyang paboritong pose sa Facebook ng mga lalakIng nang-aakit. May tattoo rin siya sa dibdib at sa braso. Type na type n’yang mukha siyang kanto boy na nagpapa-pick up sa mga hayok na bading, babae, at matrona.
Pero never sigurong naging kanto boy Si Vince. Bukod kasi sa pagiging presidente at artistic director ng theater company naPhilippine Stagers Foundation, abogado siya, at sa San Beda College siya nagtapos ng Law. Mula siya sa angkan ng mga Tañada sa Gumaca, Quezon, angkan ng politiko, ng mga abogado, at iba pang propesyon.
Nagdiwang ng ika-13 anibersaryo kamakailan ang PSF, at sa press conference para sa nasabing pagdiriwang nabanggit ni Vince na rati siyang 200 pounds, at nag-gymn siya nang katakot-takot last year bago siya gumanap na Andres Bonifacio sa pagtatanghal ng PSF ng Bonifacio: Isang Sarswela.
“Hindi naman kasi kapani-paniwalang mataba si Bonifacio. Actually, noong 200 pounds pa ako, gumanap akong Ninoy Aquino, at nakumbinse naman ang Aliw Awards na panalunin akong Best Actor,” paggunita ni Vince noong press conference na idinaos sa New Diamond Hotel sa Malate, Manila.
Sa pagdiriwang ng PSF ng ika-13 anibersaryo nila, hudyat din ‘yon ng pagtatapos ng 12th theater season nila, na angBonifacio: Isang Sarswela ang pangunahing itinanghal nila sa iba’t ibang lugar sa bansa, pati na sa ilang syudad ng Mindanao. Umabot nga raw sa 349 ang nagawa nilang pagtatanghal sa kanilang 12th season.
Baka sa 50 percent na ginawa nilang pagtatanghal ng Bonifacio, siya ang gumanap na Andres. Wala nga siyang chance na tumaba uli. Kasi, siya rin ang direktor ng Bonifacio na siya rin ang sumulat.
Kamangha-manghang tao si Vince na ang edad ay mga 34 o 35 pa lang.