WALANG bakas nang pagkabahala o guilt feeling munti man, nang i-flash ng TV Patrol (Pebrero 17 edition), ang panayam kay Mat ‘Archie’ Ranillo III, ang paboritong anak ni Mommy Glo (Sevilla), ng kanilang news correspondent sa San Francisco, California.
Isang araw, nag-text ako kay Suzette Ranillo, utol ni Archie, na naisulat ko ang kapatid tungkol sa kanyang kinasangkutang pork barrel scam dito sa ating pitak.
Quote: “Hi tito Art. Thank u for ur concern. He’s in good spirit. Praying hard that he surpasses this persecution. His conscience is clear so there is nothing to fear. God is on his side..I’l grab a copy but do save 2 copies na rin pls. Keep in touch.” Unquote:
Naging kontrobersyal ang pangalan ni Archie nang banggitin ng isang Ruby Tuason, (ang self-confessed bagman nina Senators Jinggoy at JPE), na umano’y isa ang actor sa naging mga tulay para makilala ni Janet Lim Napoles, ang pork barrel scam queen, ang ilang mambabatas sa Mababa (House of Representatives) at Mataas (Senate) na Kapulungan ng Kongreso na kinasasangkutan ng P10-B pork barrel scam.
Alam ng mundo na pinadulas sa mga pekeng NGOs ni Napoles ang milyones pondo mula sa Priority Development Allocation Fund (PDAF) ng mga sangkot na sina Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile et cetera, na nagkamal ng milyones na kickbacks mula sa pondog laan dapat para sa kapakinabangan ng higit na nakararaming naghihirap nating mga kababayan.
Sa panayam kay Archie, walang gatol niyang sinabing handa siyang umuwi sa Pinas para linisin ang kanyang pangalan, anomang oras na siya’y kailanganin ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon sa abogado niyang si Morel Callueng, desmayado si Ranillo matapos ituro ni Ruby Tuason at ng iba pang whistleblower, bilang ahente ng binansagang pork scam queen na si Janet Napoles.
Ani Callueng, matagal nang isiniwalat ng aktor ang tungkol sa mga ilegal na transaksyon ni Napoles.
”As early as 2007, inalarma na ni Mr. Ranillo ‘yung ibang mambabatas tungkol sa mga aktibidades ni Ms. Napoles… pero walang nakinig sa kanya.”
Nagkakilala anya ang kanyang kliyente at si Napoles noong 2004. Inalok umano ni Napoles si Ranillo ng tulong sa kanyang kandidatura sa pagka-kongresista ng Zamboanga.
Kung may kinita man anya si Ranillo sa mga naging transaksyon niya kay Napoles, naibalik na ito noon pang 2007.
Panghuli ni Callueng, malinis ang konsyensya ni Ranillo kaya handa itong humarap sa sambayanan sa tamang oras at pagkakataon.
Hihintayin namin yun, Archie! Ibangon mo ang dangal ng inyong angkan…ang reputasyon ng iyong amang si Mat Ranillo, Jr. at inang si Mommy Gloria Sevilla, sampu ng iyong mga kapatid, mga pamangkin at mga apo.
Inaasahan ka ng iyong pamilya, ng inyong mga anak ni Lynda Tupaz.
Wala kang dapat ikatakot dahil ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo!
“ABUNDA AND AQUINO,” BITIN
Natiyempuhan kong mapanood ang bagong TV talk show ng empresa ni Don Gabby Lopez, sa SMB annex, Lunes ng gabi.
Sa loob ng labinglimang minutong talk show, nakasentro sa panayam ng dalawang host sa iba’t ibang personalidad na mga kontrobersiya, ang kanilang tampok sa very promising na “Abunda and Aquino” ng ABS-CBN-2, pagkatapos ng kanilang “Legal Wife.”
Bitin-na-bitin kami ni Kgwd. Boyti Mabag, dahil kulang ang pakikipagtsikahan ng dalawang host sa kanilang mga subject na sina Leila de Lima, James Yap at si Atty. Raymund Fortun.
“Sana habaan nila, kahit gawing 30 minuto man lang. O kaya gawin nilang isang oras, kasi sayang ang kanilang effort kung parang nagmamadali sila sa kanilang paghimay sa kanilang subject, kasi nga kulang sila sa oras. Sayang yung chance na kaharap mo na ang isang subject kung hindi mo ito ima-maximize,” komento ni Ka Boyti, pangulo ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Maricaban (SMB).
Sa kabila na 15-minuto ang kanilang programa, meron itong tatlong 30-seconder na anunsiyo at isang movie trailer ad.
Alam ko, patikim lang ang 15-minutong “Abunda and Aquino” kaya asahan nating gagawin itong 30 hanggang isang oras sa susunod na panahon.
Congrats, Mano Boy at Tetay sa inyong masinop na paghawak sa programa na kahit kayo nagmamadali sa inyong mga pagtatanong, nadedeliver niyo ang inyong ibig iparating sa inyong manonood kahit “bitin.”
Mahusay ang kombinasyon ng King of Talk at ng tinaguriang Queen of All Media.
BEST FILMS ET CETERA FOR 2013!
Since palapit na ang awards season, isang katoto ang naglatag ng kanyang Best Films at iba pa, para sa taong 2013.
“Hi! Best Films 2013: “Transit,” “Ekstra.” Best Directors: Hannah Espia (“Transit”); Jeffrey Jeturian (“Ekstra”). Best Screenplay: Zig Dulay & Company (“Ekstra”). Best Actor: Joel Torre (“On the Job”). Best Actress: Vilma Santos (“Ekstra”),” text message ng katoto na itinuturing authority sa industriya ng pelikulang lokal.
Art T. Tapalla