NAKATIKIM na naman ng pagbatikos itong si Xian Lim. May kinalaman ito sa ginawa niyang kapalpakan sa live episode ng Banana Nite noong January 30.
Sa nabanggit na insidente, hindi lang ang kalokalike ni Kim Chiu ang ipinahiya ni Xian, kundi pati si Bea Binene at ang isa sa hosts ng gag-show ng Dos na si Jayson Gainza. Kaya hindi nakapagtataka na maraming viewers, kapwa entertainment columnists na nakapanood nito, at mga netizens ang naasar kay Xian.
Marami ang pumuna sa pagiging insensitive ni Xian na bukod sa dinedma at ipinahiya ang Kim Chiu kalokalike, ilang beses pa niyang binanggit dito si Bea Binene at ang GMA-7. Hindi ba alam ni Xian ang network rivalry between ABS CBN and GMA-7? Na in bad taste ito kung babanggitin mo sa ere ang mga artista ng Siyete at pati GMA Network, tapos ay gagawing katatawanan pa, lalo’t hindi naman maganda ang kanyang biro.
Pati si Jayson ay nakatikim din ng kamalasaduhan at pagiging tactless ni Xian nang umakyat ito sa stage at tanungin si Xian kung ano ang preparasyon niya para sa Chinese New Year. Na ang naging tugon ni Xian ay, “Paano maghahanda nandito pa tayo? Hindi ko pa alam pagkauwi ko mamaya, malamang may handaan doon.”
Kaya marami ang nagtataka kung scripted ba iyon o umepal lang daw ba si Xian?
Although nabasa ko na kinalaunan ay nag-apologized si Xian sa kanyang Twitter account dahil sa insidente, still nakasakit na siya ng damdamin at maraming viewers na ang na-offend sa kanya.
Matataandaan na sa isang remote interview noon kay Xian ni katotong Jobert Sucaldito sa programa nila ni Ahwel Paz sa DZMM Teleradyo na Mismo, nag-walk-out si Xian dahil na-misinterpret niya ang tanong sa kanya ni Jobert at inakala niyang binabastos siya nito.
Dapat sigurong bigyan ng seminar ng Dos itong si Xian ukol sa GMRC o Good Manners and Right Conduct, para hindi na maulit ang mga ganitong insidente. Sayang at gumaganda pa naman ang career ni Xian sa tandem nila ni Kim Chiu.
Ang last two movies ng tambalang Kim at Xian na Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo?at Bride For Rent ay tumabo nang husto sa takilya, lalo na ang huling movie nila na balita namin ay umabot na sa 300 million peso mark ang kita.
Ito kaya ang inilalaki ng ulo ni Xian? Sana naman ay hindi, pero hopefully, matuldukan na sana ang mga ganitong inaasal ni Xian. Dahil kung hindi, ang pinaghirapan niyang pagpapa-angat sa career ay maaaring masayang lang at baka pulutin sa kangkungan sooner or later si Xian kapag hindi siya nagbago.
Mojak, idolo sina Ai Ai, Jose Manalo, at Kim Idol
SI Mojak ay isang sing-along master, stand-up comedian, at singer. Dati siyang member ng bandang Comic Attack na tatlong taong namalagi sa Abu Dhabi at Dubai.
Sa pagbabalik niya sa bansa noong 2004, nag-audition siya kay Allan K. sa Klownz Quezon Avenue at natanggap naman. “Si Boss Allan K po ang nag-audition sa akin noon at sabi po okay daw dahil walang mga baklang gumagawa ng boses ko ng iba-iba at nagre-reggae din kasi ako,” saad ni Mojak.
Ipinaliwanag din niya kung saan nanggaling ang kanyang screen name na Mojak.
“Naging Mojak po, kasi ako’y impersonator ni Blakdyak… same voice and facial reaction po kami, kaya Mojak po ang napili kong pangalan.”
Kabilang sa mga idolo ni Mojak sina Ai Ai delas Alas. Jose Manalo, at Kim Idol. Sinabi rin ng komeyante na gusto niyang sundan ang yapak ng kanyang mga idolo.
“Opo, iyan ang pangarap ko, sundan ang yapak nila Ms. Ai Ai na from comedy bar ay naging artista siya at nakapag bigdome pa at tinawag na Comedy Concert Queen. Si Jose naman po, mapa-bata o matanda, lahat natutuwa sa kanya. Ganoon siya kagaling talaga At si Kim naman, simple pero rock at seryoso siya sa kanyang mga punchline,” esplika pa ni Mojak.
ni Nonie V. Nicasio