ni Reggee Bonoan
SOBRANG appreciated ng mga kasamahan sa hanapbuhay si Richard Yap o mas kilala bilang si Sir Chief at Papa Chen dahil marunong siyang magpasalamat at mag-share ng blessings na natatanggap niya.
Pangalawang taon na ni Sir Chief na magkaroon ng thanksgiving party sa entertainment press na malaki ang naitulong sa kanya simula noong nagsimula siya sa My Binondo Girl bilang si Papa Chen kaya naman super-love siya kahit na hindi siya gaanong nakakatsikahan o nakikita dahil bisi-bisihan siya sa tapings ng Be Careful with My Heart at kaliwa’t kanang shows sa Pilipinas at sa ibang bansa.
At hindi man gaanong nakaka-usap ay kaagad na ipinagtatanggol ng entertainment press si Richard kapag nasusulat siya ng hindi maganda lalo na sa social media noong nanalo siya ng Best Actor sa nakaraang PMPC Star Awards for TV.
May pagka-taklesa rin kasi minsan o baka na-out of context lang ang sinabi ni Sir Chief na nasulat sa online na hindi siya nagbabasa ng ‘trashy write-ups’ lalo’t hindi naman nakatutulong daw sa kanya bilang tao.
Oo nga, wala naman siyang mapapala kung babasahin pa niya ang mga negatibong write-up, paano kung natapat pang may tapings siya o show siya, eh, ‘di masisira nga naman araw niya, maapektuhan pa ang trabaho niya.
Samantala, wagi ang lahat ng dumalo sa ginanap na thanksgiving party ni Richard dahil bukod sa parapol niya ay sangkaterbang give-aways mula sa 18 ini-endosong produkto ang ipinamahagi niya sa entertainment press kaya naman iisa ang sinasabi ng lahat, “si Richard Yap lang ang nakagawa nito among the artistas.”
Sa kabilang banda, pahinga pala muna sa concert scene si Richard ngayong 2014 dahil wala siyang oras para paghandaan ito.
Plano kasi naming pagsamahin sana sa isang concert sina Richard at Vice Ganda sa Resorts World pero tumanggi ang staff ni sir Deo Endrinal, “hindi puwede si Vice kasi may concert siya sa Araneta (Smart Araneta Coliseum) sa November, si Papa Chen, hindi pa handang mag-concert.”
Timing din dahil ito rin naman ang sinabi ni Papa Chen nang maka-tsikahan siya sa thanksgiving party niya, “mga small show lang. We’d rather do small shows, ayoko munang mag-concert siguro.
“Gusto ko more experience with performing before I go and do a full concert.
“Kasi ayoko na malugi ‘yung mga tao na manonood sa akin. Gusto ko naman maganda ‘yung ipalalabas natin, ‘di ba? Siyempre value for money.”
At least hindi pera-pera ang gusto ni Sir Chief, di ba Ateng Maricris?