TIYAK na marami ang matutuwa sa mahihilig sa sports dahil may bagong channel silang mapapanooran ng kanilang mga paboritong sports. Handog ito ng ABS-CBN sa kanilang mga Kapamilya sports fans.
Magsisimula ngayong Sabado, (January 18), ang pinakabagong channel ng ABS-CBN na tututok sa mga maaksiyong local at international sporting events. Ito ay handog ng ABS-CBN sa layuning “In TheService Of The Filipino” ang isang free-to-air television channel para sa mga Kapamilyang hindi lang nanonood at humahanga, ngunit sumusuri, at nakikilahok din sa iba’t ibang uri ng sports.
Nagtulong-tulong ang ABS-CBN Sports+Action, cable TV, pay-per-view at digital platforms ng ABS-CBN sa paglulunsad ng pinakabagong sports destination para sa mga Pinoy sports fan.
Magpapatuloy sa ABS-CBN Sports+Action ang coverage ng collegiate teams ng UAAP, ang highest-ranked Southeast Asian na Azkals, ng kampeonatong si Nonito Donaire ng Top Rank at ng laban ng mga boksingero ng ALA Boxing sa Pinoy Pride at sa kanilang pakikipagbakbakan ng buong puso at determinasyon.
Abangan din ang mga special coverage sa mga court ng National Basketball Association (NBA), mga octagon ng Ultimate Fighting Championship (UFC), at football fields ng 2014 Fédération Internationale de Football Association (FIFA) World Cup tampok ang mga iniidolong atleta sa buong mundo.
At siyempre, hindi mabubuo ang sports kung walang balitaan, kaya subaybayan ang “News +” kasama si Anthony “Tunying” Taberna na magbabahagi naman ng current affairs na ipapa-intindi niya ang kahalagahan nito sa pang-araw-araw na buhay. Iuulat naman ni TJ Manotoc sa The Score, ang bagong 15-minutong programa ng makabuluhang balita sa mundo ng sports.
Para naman sa mga mahilig sa action, dagdag pasabog pa ang mga hindi malilimutang pelikula ni Fernando Poe Jr., ang King Of Philippine Movies sa FPJ: Hari ng Aksyon. Ipinakikilala rin ng ABS-CBN Sports + Action ang mga panibagong shows na The Ultimate Fighter: China at Zero Hours kasabay ng mga manunumbalik na seryeng CSI, NCIS, Once Upon a Time, at WWE.
Kaya kung mahilig ka sa basketball, boxing, football, volleyball, contact sports, tennis, golf, at iba pang university sports games, dito na kayo tumutuok. Halina’t abangan ang bagong tatangkilikin ng bawat Kapamilya sports fan, ang ABS-CBN Sports + Action sa Channel 23 simula ngayong Sabado (January 18).
Maricris Valdez Nicasio