INAMIN kamakailan ni Slater Young kay Darla Sauler, headwriter ng Kris TV na nasa ‘dating stage’ sila ni Rachelle Ann Go.
At dahil wala pang sinasabi si Rachelle kaya nagpa-schedule kami ng interview sa kanya at sa pictorial niya para sa nalalapit na concert sa Meralco Theater na may titulong Miss Rachelle, The Send Off Concert kami pinapunta.
Tawa lang nang tawa si Rachelle at ayaw pang magsalita, pero nang banggitin sa kanyang umamin na si Slater kay Darla ay at saka lang siya naniwala.
“Si Darla naman kasi, si Darla naman ay friend naman namin. Kumbaga wala namang problema, nakikita naman kami (Slater) lumalabas.”
At walang nagawa si Rachel, kinompirma na rin, ”yes we’re dating kumbaga, ‘yun lang.”
Long distance relationship
At tulad nga ng sinabi sa amin ni Slater sa advance screening ng Kimmy Dora: ang Kyemeng Prequel na paalis si Rachelle Ann kaya ang tanong din sa dalaga ay ano ang mangyayari ngayon sa kanila ng binata sa pag-alis niya para tugunan ang stint niya sa Miss Saigon bilang si Gigi?
“Well, ako kasi focus muna ako sa gagawin ko pagdating ko roon. Fourteen (14) months din kasi, so focus muna ako roon,” nakangiting sabi ni Rachelle.
Paano ang set-up nila ni Slater at binanggit naming first time niyang magkakaroon ng long distance relationship.
“Ha, ha, ha, ha, ano ba ito? Ito lang ang masasabi ko, mahirap kasing magsalita kasi nandoon (‘Miss Saigon’) ang focus ko. Basta dalawin niya (Slater) ako roon, joke lang,” tumatawang sabi ng dalaga.
“Basta lagi ko namang sinasabi, kailangan focus ako roon (work) kaya dapat maintindihan kung may nagpu-pursue man sa akin ngayon dito. Dapat maintindihan niya ‘yun, ‘di ba? Maghintay kung sino man ‘yun, ha, ha, ha,” paliwanag ng singer.
Isa ba si Slater sa mga inspirasyon ni Rachelle Ann?
“Mga inspiration? Happy naman ako sa mga nangyayari ngayon, pero siyempre kailangan alam ko pa rin ang priorities ko kaya focus ako ngayon,” paliwanag mabuti ng singer/actress.
Dagdag pa, ”happy kasi ako ngayon sa kabuuan, pero ayoko ring mag-expect ngayon kasi mahirap na, mahirap ding mag-expect kung ano ‘yung mangyayari, eh, mangyayari naman. At ang daming puwedeng mangyari roon sa London and after 14 months, lets see kung makapaghintay kung sino ang dapat maghintay.”
Sincerity kung mahihintay siya
Ano ang assurance ni Slater sa kanya?
“Hmm, parang ako lang dapat ang mag-assure? Joke lang, ha, ha, ha baligtad pala. Hindi naman, wala naman. Actually, umpisa pa lang sinabi ko na (Slater) na, ‘naku, aalis ako, kung liligawan mo ako, mahirap ‘yan!’
“Tingnan natin, kasi r’yan natin makikita ‘yung sincerity ng isang tao kung talagang kayo para sa isa’t isa, test na rin ‘yun,” katwiran ng dalaga.
Tinanong namin kung ilang buwan na silang nagdi-date ni Slater, ”bago lang po, (actually) kasalanan ‘yan ni Erik Santos, eh, ha, ha, ha,” tumatawang sabi pa.
Commond friend ni Erik sina Slater at Rachelle Ann at inimbita niya ang dalawa sa nakaraang birthday party niya noong Oktubre 10 na ginanap sa Prive Bar (na nalasing at nanampal si Anne Curtis Smith) at doon nagsimula ang magdamag na tsikahan na balita rin namin ay hindi na nila pinansin ang celebrator.
“Talagang nag-research pa talaga kayo ‘no? Masaya kayo r’yan ‘no?” natatawang sabi ng dalaga.
Send Off Concert
Anyway, mala-Miss Saigon daw ang concept ng The Send Off Concert ni Rachelle Ann sa Meralco Theater na gaganapin sa Pebrero 22, 2014, 8:00 p.m..
“Kailangan kasama ‘yung mga, musical, yes, ‘Little Mermaid’ siyempre, ‘yung naging role ko sa ‘Little Mermaid’, and gusto kong i-share sa tao ‘yung mga dream role ko tulad sa ‘Les Miserables’, ‘Wicked’ and of course ‘yung mga music na ginawa ko like Pop, Rock. Gusto ko ring gumawa ng Chill, acoustic lang. Iba’t ibang genre ang gagawin ko rito sa concert, maraming bago akong gagawin dito, walang sayaw-sayaw, mas boses lang talaga ang gusto kong i-share sa tao,”say pa.
At ang paborito niyang Miss Saigon song, ”’I Still Believe’, ‘yun talaga, sobrang ganda ng lyrics, ang bigat, ang sakit.
“Pinakanta rin sa akin ‘yun noong nasa London ako, at napakaganda ng song. At may bagong idaragdag na song, nasa you tube naman, ‘yung ‘Maybe’, hindi ko alam kung papalitan nila ‘yung lyrics, sobrang ganda, isa rin ‘yan sa favorite ko.”
At kakanta raw ng ilang awitin sa Miss Saigon si Rachelle Ann sa concert niya, ”yes, mayroon, but minus the costume (two-piece) ha,” natawang sabi ng dalaga.
Role na Gigi sa Miss Saigon
Samantala, ang role na Gigi sa Miss Saigon ay hindi na pala nag-expect si Rachelle Ann na pasado siya sa ginanap na audition dahil inabot na raw ng 10 buwan bago siya nakatanggap ng email,”they’re offering me the role of Gigi, napanood daw nila, ni Cameron Mackintosh ‘yung video ko noong nandito sila at kailangan talaga ‘yung batambatang Kim at kung interested daw ako.
“That moment, hindi na nag-matter kung anong ino-offer sa akin kung Kim or Gigi, kundi ‘yung feeling na totoo ba itong nababasa ko na inoperan nila ako ng role sa ‘Miss Saigon’.
“Ang concerned ko after reading that is ‘yung two-piece. ‘Yun talaga, kasi alam naman natin ‘yung role na Gigi, eh, naka-two piece. Well, I told my mom about it na ino-offer nila ‘tong role na ‘to, eh, si mama feeling ko walang idea kung ano ‘yung role ko at ng mga character.
“Tinawagan ko si direk Bobby (Garcia), sa Viva (talent agency) at sa church namin kung okay po ba ito (role), pero lahat naman sila positive lahat, nag-go lahat sila kaya naging at peace naman ako after I heard everyone at nag-pray naman ako kung para sa akin ito at naging smooth naman at tuloy-tuloy naman lahat after a month, pinapunta nila ako sa London at naging madali lahat para sa akin,” mahabang kuwento ni Rachelle Ann.
Anyway, ang Send Off Concert ni Rachelle Ann ay produced ng Pink Management and Production at Cornerstone Concerts at nalaman din naming expired na ang kontrata ni Rachelle Ann sa Viva at hindi pa raw niya alam kung magre-renew siya o hindi na.
Reggee Bonoan