HAY, bilis ng panahon! Mabilis na natapos ang holiday season, ang Pasko, Bagong TaOn, Tatlong Hari, at sIyempre, soon to come ang Valentine’s Day.
Anyway, Happy New Year! Pero mas maganda ang bating Prosperous New Year 2014 kasama pa ang maraming years. Ipagdasal natin na maganda ang pasok ng bagong taon. Medyo maluwag ang kabuhayan natin. Bawasan ang kahirapan: Sobra na! Ang daming nagugutom nitong nakaraang taon, sana ngayon 2014 ay mabawasan na. Lalo na ang mga bata.
Alam niyo may kuwento ako, dalawang magkapatid na babae, edad 8 and 7 tapos may kasama silang batang lalaki na edad 4. Magkakapatid sila at nakasakay sa isang kalawanging sidecar, nagbabahay-bahay sila sa panghihingi ng kaning-baboy. Hindi raw sa kanila ang sidecar na ginagamit kundi sa may-ari ng baboy na binibigyan sila ng P20 para mangolekta ng kaning-baboy. Pagtapat sa bahay ko ay ibinigay ko ang mga tirang tinapay at kanin sa kaldero namin. Nanginginig ang kamay ng 7 years old na bata na marumi ang kamay at mukha. Isinalin nila sa timba ang kanin, nagulat na lang ako ng pagtalikod ko ay kinuha ang mga tinapay at kinain. Nabigla ako at sumigaw.
Pinabalik ko sila at binitiwan nila ang tinapay pero ‘yung batang lalaki ay tuloy-tuloy sa pagkain ng tinapay. Luma na ‘yan, sabi ko. Umiyak ‘yung 7 years old girl, nagugutom daw sila. Naiyak ako! Pinapasok ko sila at pinaghugas ng kamay sa gripo sa may gate. At pinaghain ko sila ng tatlong plato na may kanin at munggo na may pritong liempo.
Talagang gutom sila dahil ubos ang pagkain. Bago sila umalis, lahat ng makakain ay inilagay ko sa isang plastik at ipinadala ko sa kanila dahil may tatlo pa raw silang kapatid. Hindi raw kasi magkasya ang kita ng kanilang ama na nangangalkal ng basura at naglalabandera naman daw ang kanilang ina. Kaya ang dasal ko ay sana’y maraming bata ang makakain ngayon 2014.
Letty G. Celi