PAGKATAPOS ng apat na taon, magsasamahin muli napakahusay na blockbuster star na si John Lloyd Cruz at ang paboritong comedienne at multimedia sweetheart na si Toni Gonzaga sa pinakabago at pinaka-inaabangang sitcom ng Kapamilya Network na Home Sweetie Home na magsisimula sa January 5 after ng Goin’ Bulilit.
Huling napanood si Lloydie sa seryosong serye na A Beautiful Affair with Bea Alonzo.
“Actually matagal na kaming nakakasa rito, nausog lang nang nausog. Actually, pati ‘yung pelikulang ginagawa ko ngayon, ganoon din, nauusog siya kaya next time puwera usog,” deklara niya.
Ano ang reaksiyon niya na siya ang opening salvo ng ABS-CBN 2 pagdating sa comedy unit?
“Maganda. Happy ako sa time slot namin. Ang ganda ng pre-programming tapos lipat sa pampamilyang sitcom,” sey pa niya.
Gusto ba niya talaga mag-sitcom?
“Parang ikakasal na ako sa tanong. Ha!ha!ha! Oo naman matagal ko nang pinangarap. Dati gusto naming magka-sitcom nina Vhong (Navarro), Kanto Boys plus Zanjoe Marudo. Si Zanjoe kasi original na Kanto Boys. Parang ganoon kaya lang nag-evolve into something like this na wala naman akong maiko-complain dahil napakaganda ng material, napakaganda ng aming sitcom,” aniya pa.
Hindi ba siya nahihirapan na kilala siya sa drama tapos ngayon ay nagko-comedy na siya?
“Ah, tingnan natin. Tingnan niyo kung mukha akong nahihirapan. Natural naman eh, kasi natural ‘yung camaraderie, ‘yung pamilya, hindi naman sa sinasabi kong minamani ko lang pero nag-i-enjoy ako, nag-i-enjoy kami. It’s something new pero hindi siya pilit,” bulalas pa niya.
Nang inalok kina John Lloyd at Toni ang posibilidad ng paggawa ng sitcom, agad na na-excite ang dalawa dahil ibang klaseng programa ang Home Sweetie Home na ibang-iba kompara sa rati nilang mga proyekto.
Personal choice ba niya si Toni na makapartner ulit?
“Wala. Wala naman akong ganoon. Pinamili kami ng material, kung ano ‘yung show na gusto namin. I believe si Toni, hindi rin naman pinamili. Parang ito ‘yung pinaka-strongest na inoohan namin.
“Kasi nanggagaling siya sa ano, sa intention po na sobrang nami-miss ‘yung sitcom. ‘Yung panahon ng ‘Abangan Ang Susunod Na Kabanata’, ‘Palibhasa Lalaki’, ‘Home Along’ gabi-gabi may ganoon. Ang sarap na ibalik. Tinatanong ko nga sila, ‘yung mga boss natin, ba’t hindi natin ibalik ‘yung ganoon? Ang ganda ng ganoon na after ng dalawang teleserye, may isang sitcom. Siguro, unti-unti. Ito ‘yung ambitious dream namin sa ‘Home Sweetie Home’. Gusto naming maibalik,” saad pa ng magaling na aktor.
May kaba factor ba siya sa pagsisimula ng sitcom na ito?
“Nandoon ‘yung tanong kung magugustuhan ba nila? Siyempre, gustong-gusto namin na sana ay tangkilikin pero kung hindi, nandoon ‘yung pressure. Roon na lang namin tinitingnan. Mas napi-pressure pa ako ‘pag kailangang humarap ako sa maraming tao, eh! Halimbawa sa ‘ASAP’, ‘pag lumalabas ako sa ‘ASAP’, mayroon pa ring, parang bago,” sambit pa niya.
Maliban kina John Lloyd at Toni, bahagi rin ng Home Sweetie Home ang iba sa mga paboritong artista sa bansa tulad nina Rico Puno, Sandy Andolong, Jayson Gainza, Miles Ocampo, Clarence Delgado, Joross Gamboa, Ketchup Eusebio, Eda Nolan, Ryan Bang, Eric Nicolas, at Mitoy Yonting.