AYON sa mga organizer ng 39th Metro Manila Film Festival, tinalo nito ng P30-M ang box office records ng nakaraang MMFF sa unang pagpapalabas ng walong entries sa taunang event.
Sobrang lakas nga raw kasi ng mga pelikulang katatawanan ang tema kaya umapaw ang mga nagsipanood sa My Little Bossings at Girl Boy Bakla Tomboy na neck-and-neck ang labanan sa unang puwesto as top grosser. Kasunod ang KimmyDora: Ang Kiyemeng Prequel at ang horror na Pagpag.
Kaya natutuwa ang bida ng KimmyDora na si Eugene Domingo dahil nang makausap namin ito sa preview ng kanilang pelikula, sinabi niyang hindi lang naman comedy ang aasahan ng mga manonood sa adventures nina Kimmy at Dora kundi aksiyon din.
At para naman masulit ang pagpapagod niya sa mga inaral niyang stunts at sa tindi ng mga suntok na inabot sa kanya ni Sam Milby, kahit pa nga nakatanggap sila ng B grade sa CEB (Cinema Evaluation Board), dahil limitado lang naman daw ang mga TV promo nila, gagalugarin daw niya ang lahat ng sinehan sa malls.
At paano mag-promote si Uge?
“Makikita na lang ako sa tabi ng mga tao. Hihilahin ko sila papunta sa sinehan. Ako na ‘to, o! Mamersonal ako talaga!” natatawang sabi nito. Na pinatotohanan naman ng staff ng Cornerstone. Kaya nga raw sa preview pa lang nila brinaso na ni Uge ang mga taong close sa kanila para mapanood ang kanilang proyekto.
“Last na kasi ito. Three is enough. Ang next eh pwede na siya i-venture into books or comics. Or I really hope Ryzza Mae Dizon can do this. O kaya si Kiray (Celis) or Anne Curtis. Anne talaga? Last na kasi hindi na kaya ng leeg ko.”
So, ano pa ba ang nakatakdang gawin ni Uge in the months to come?
“Ang iba ko pang gusto? Naisip ko na noong isang araw, eh. Ngayon nakalimutan ko na. Teka…ah, may material ako na gustong gawin. It’s a play. About a not so good-looking person who fell in love with a super guwapo. It’s a classical play. Poetic, dramatic, comic ang material. Although sa 2014, I’ll take it easy talaga. Kasi gusto ko mag-concentrate sa pag-ikot sa festivals abroad. ‘Yun bang parang re-introduction.”
At may isa pa ring proyektong excited siyang gawin although in the works pa lang daw ito dahil isinusulat pa at naghahanap pa ng gaganap sa katauhan ng bida.
“Project ni direk Chris Martinez. And isinusulat pa ni Ricky Lee. It’s the autobiography of the late direk Ishmael Bernal. Hulaan niyo kung sino ang gagampanan ko.”
Si Nora Aunor dahil sa Himala?
“Idol ko ‘yun pero hindi siya. Sirit na? I will portray the role of direk Ishma’s bestfriend!”
Yes, the late direk Marilou Diaz Abaya.
“Pero nahihirapan pa si direk humanap ng gaganap na Ishma.”
May nag-suggest ng name ni Cesar Montano. Ang tanong eh, kung tatanggapin ito ng aktor. Or baka magtawag na lang ng audition.
Ang 2014 kaya eh para na sa lovelife niya?
“Hindi kasi ako hopeless romantic, eh. Hindi ko rin maintindihan. Nai-intimidate ba sila? Baka nga pang-foreigner ang beauty ko.”
Coney, nagbabalik sa MMK
MMK (Maalaala Mo Kaya) episode on Saturday, December 28 features Coney Reyes and Andrea Brillantes sa heart-warming story tungkol sa pag-a-adopt ng isang pamilya ng isang bata sa sandaling panahon.
Ipinahiram man ang bata sa kanila na tinutulan naman ng matriarka—binago ito ng mga pangyayaring pinagsaluhan nila.
Kaya, maraming iminulat sa mata ng pamilya ang pagdating ng nasabing bata sa buhay nila—na ang kabuuan eh, idinirihe ni Rechie del Carmen sa naturang episode.
Pilar mateo