MULI na namang ipamamalas ni Maricel Soriano ang kanyang husay bilang isa sa mga pinaka-accomplished na aktres sa bansa sa Girl, Boy, Bakla, Tomboy—ang kauna-unagang film collaboration niya kasama ang phenomenal box-office star na si Vice Ganda.
Sa pelikula, madaling napagsama ni Marya ang mga elemento ng drama at comedy sa pagganap ng role ni Pia na ina ng apat na karakter na ginagampanan ni Vice.
Ang involvement ni Maricel sa Girl, Boy, Bakla, Tomboy, na opisyal na entry ng Star Cinema at Viva Films sa 39th Metro Manila Film Festival (MMFF), ay waring isang magandang panaginip na nagkatotoo para sablockbuster hit director na si Wenn V.Deramas na nauna nang nakatrabaho si Marya sa Momzillas ngayong taon at para rin kay Vice na ikinokonsidera si Maricel bilang isa sa kanyang mga idolo at inspirasyon sa industriya.
Nagkakaisa sina Wenn at Vice at pati na rin ang ibang mga bituin sa pelikula sa pangunguna nina Joey Marquez at Ruffa Gutierrez na isang bihirang oportunidad na makatrabaho si Maricel at hindi ito dapat palampasin.
“Matagal ko nang hinihintay ito. Para sa akin, hindi magiging kompleto ang acting career ko kung hindi ko makakatrabaho si Inay,” sabi ni Vice na inaming matagal na niyang pantasya na masampal sa pinilakang-tabing ng original Taray Queen. Napakahusay ng execution at pag-arte sa “slap scene” nina Vice at Marya at maituturing ito bilang isa sa mga pinakamalaking highlights ng pelikula na ‘di dapat palampasin. Katunayan kahit si Ruffa mismo ay sumang-ayon kay Vice sa guesting nila sa Gandang Gabi Vice na pati siya ay gustong magpasampal kay Maricel sa TV man o sa pelikula habang si Tsong Joey naman, nakatanggap din ng mahiwagang sampal mula sa Diamond Star, ay hanggang-hangga sa propesyonalismo ni Marya.
Bukod sa markadong brand ng komedya at walang tigil na katatawanan na maaaring abangan sa matagumpay na big-screen tandem nina Vice at Wenn, maaari ring abangan ng mga loyal fan ng genre ang mga dramatic sequences na mahuhusay at kapana-panabik. Ang Girl, Boy, Bakla, Tomboy ay isang pelikula para sa buong pamilya at ibig nitong ipahiwatig ang unibersal na mensahe na dapat laging magkasama at buo ang bawat pamilya lalo na ngayong Pasko na panahon ng pagmamahalan, pagtanggap sa isa’t isa, at kapatawaran. ‘Di dapat palampasin lalo na ng mga movie buff ang mga dramatic na eksena nina Vice at Maricel dahil tiyak ibang Vice na taliwas sa nakasanayan ang makikita nila.
“Marami akong natutuhan kay Inay sa pag-shoot namin sa pelikulang ito. Nag-grow ako bilang isang actor pagkatapos ko siya makatrabaho,” sabi ni Vice. Ipinaliwanag naman ni Wenn kung bakit swak na swak si Marya bilang si Pia,”Maalaga talaga itong si Maricel. Natural para sa kanya ang alagaan at alalayan ang mga artista na itinuturing niyang mga anak. Hindi matatawaran ang range niya bilang isang aktres at napaka-intense ng chemistry at rapport niya kay Vice. Madali tayong maniniwala at madadala na siya ang ina ng apat na karakter ni Vice at isa ito sa mga major strengths ng movie namin.”
Para naman kay Maricel, siya ang tunay na pinagpala dahil naging bahagi siya ng Girl, Boy, Bakla, Tomboy. ”Mahal na mahal ko ang aming direktor at maligaya rin ako dahil anak ko si Vice. Alam kong magpapatuloy ang magandang samahan naming nina Direk Wenn at Vice. Magaling na direktor si Wenn at matalinong actor naman si Vice,” paglalahad ng beteranang aktres.
Rated PG ang ibinigay ng MTRC sa Girl, Boy, Bakla, Tomboy at palabas na ito sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa.
Mariciris Valdez Nicasio