ZAMBOANGA CITY – Huli sa akto sa entrapment operation ng mga pulis ang isang bading na hinihinalang ibinubugaw ang ilang kababaihang bakwet sa loob ng Joaquin Memorial Sports Complex sa R.T. Lim Boulevard, isa sa nagsisilbing pinakamala-king evacuation center sa Zamboanga City.
Sa report ng Women and Children’s Protection Division ng Zamboanga City police office (ZCPO), kinilala ang suspek na si Ismael Ho Sali, residente ng Brgy. Sta. Catalina ng lungsod, kabilang din sa daang libong bakwet na nagsilikas dahil sa pag-atake ng armadong grupo ng Misuari faction ng MNLF sa ilang mga barangay dito.
Sa operasyon ng mga awtoridad, dakong 7 p.m., isang pulis ang nagpanggap na naghahanap ng babae at nakipagnegosasyon sa suspek. Iniabot niya ang marked money sa suspek kapalit ng tatlong babae na nasa loob ng isang tent sa eva-cuation center.
Dalawa sa mga babae na tubong Isabela City, Basilan at Jolo, Sulu ang kasamang nakuha sa naturang operasyon habang ang isa ay nakatakas.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na dahil sa kawalan ng pera at matinding pangangailangan, ilan na rin sa mga babaeng eva-cuees ang kapit sa patalim at pumapasok na rin sa prostitus-yon.
Nito lamang nakaraang mga araw, base sa impormasyon mula sa City Health Office (CHO) ng lungsod, ilan din sa eva-cuees ang positibo sa sexually transmitted disease (STD).
(BETH JULIAN)