Sunday , November 24 2024

Tacloban mistulang ‘ghost town’ kay Yolanda (100+ bangkay nagkalat sa kalye)

111013_FRONT

NAG-IWAN ng mahigit 100 patay ang super typhoon Yolanda sa Tacloban City, iniulat kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Deputy Director John Andrews.

Ayon kay Andrews, nakatanggap siya ng ulat mula sa station manager ng Tabloban City dakong 5 a.m. kahapon na mahigit 100 katao ang natagpuang patay at nakakalat sa mga kalsada.

Mahigit din aniya sa 100 katao ang sugatan sa pananalasa ng bagyong Yolanda.

“His message stated that 100 plus dead lying in the streets with 100 plus injured,” pahayag ni Andrews.

Gayon man, wala pang detalye kung saan eksaktong natagpuan ang mga bangkay, aniya.

Samantala, bineberipika pa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang nasabing report.

Sa press briefing, sinabi ni Cabinet Secretary Rene Almendras, hindi pa makapagbibigay ang NDRRMC ng official count hangga’t hindi pa nakokompirma.

“We’re saying it’s definitely not 3, 4 or 5, but as to the exact number at this time, mahirap pa po yan,” pahayag ni Almendras.

Nag-deploy na aniya ng mga sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Tacloban upang tumulong sa pagrekober sa mga bangkay ng mga biktima.

“I am not saying it’s not accurate … but we cannot possibly officially verify it yet,” aniya pa.

Humihiling na aniya ang Tacloban ng tulong medikal at relief assistance.

MASSIVE RELIEF OPS INIUTOS NI PNOY

IKINAGULAT ni Pangulong Benigno Aquino III ang dami ng bilang ng mga namatay at nasugatan sa pananalasa ng super typhoon Yolanda sa Tacloban lalo pa’t puspusan ang ginawang evacuation ng gobyerno sa mga daraanan ng bagyong Yolanda.

Sa ngayon, massive relief operations ang ikinasa ng gobyerno at dalawang operations center ang itatayo sa Tacloban City para sa Eastern Visayas habang sa Roxas City naman para sa Western Visayas.

Kabilin-bilinan ni Pangulong Aquino na ma-account at ma-rescue ang lahat ng mga kinakailangang hanapin kaya iniutos ang malawakang rescue operations.

Sa ngayon, prayoridad ang pagdadala ng relief goods kaya saka na lamang iikot si Pangulong Aquino sa mga sinalanta ng kalamidad.

11 PATAY SA ILOILO  AT ANTIQUE

ILOILO CITY – Umakyat na sa 11 ang namatay dahil sa pananalasa ng super typhoon ‘Yolanda’ sa lalawigan ng Iloilo at Antique.

Sa Iloilo, isa ang nakoryente sa bayan ng Calinog, isa ang tinamaan ng yero sa San Enrique, tig-isa ang natumbahan ng punongkahoy sa Ajuy at Dueñas, isa rin ang natumbahan ng bahay sa Brgy. Anabo, Lemery at isa ang natagpuang palutang-lutang sa Suagi River sa bayan ng Janiuay matapos malunod.

Sa Antique naman, patay ang mag-inang Elvie at Eduardo Sadhi matapos matumbahan ng puno ng mangga nang bumalik sila sa kanilang bahay para kunin ang nakaligtaang dalhin patungo sa evacuation center.

Samantala, nakaligtas man sa hagupit ng bagyo, namatay rin ang dalawang biktima matapos atakehin ng stroke at sobrang nerbyos dahil sa lakas ng bagyo.

Kabilang dito ang isang biktima sa bayan ng Barbasa sa Antique na inatake ng stroke dahil sa sobrang nerbyos sa bagyo, at ang 27-anyos na si Anabel Estimos sa Brgy. Igtuble, Tubungan na inatake rin ng nerbiyos dahil sa takot sa lakas ng bagyo.

Sa bayan naman ng Barotac Nuevo, sa gitna ng pananalasa ng bagyo, nagpakamatay ang 22-anyos na si Jolito Estepona y Rio matapos maiwan sa kanilang bahay nang mag-evacuate ang kanyang mga kaanak.

3 MANGINGISDA UTAS SA PALAWAN

Tatlo katao ang naitalang namatay sa lalawigan ng Palawan sa pananalasa ng bagyong Yolanda.

Kinilala ang mga namatay  na mga mangingisda at residente ng Barangay 1 na sina Nick Rojas, Carlos Catamora at Erwin Roque.

Inilikas ang mahigit 6,000 katao sa bayan, at nananatili sa evacuation center kasama ang mga nagkaroon ng minor injuries na nilalapatan ng lunas.

INT’L AID  BUMUHOS

TUMUTULONG  na rin ngayon ang United Nations upang mabilis na maibalik ang komunikasyon at maging supply ng koryente sa mga lugar na sinalanta ng super typhoon Yolanda partikular sa Eastern Visayas.

Kahapon ay sumama sa grupo ng iba’t ibang government agencies ang mga kasapi ng UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), patungong lungsod ng Tacloban.

Sinabi ni Sebastian Rhodes Atampa, pinuno ng regional preparedness at response unit ng humanitarian affairs office, maglalagay sila ng basic communication services sa lungsod.

Ito’y bilang paghahanda para sa support teams ng international aid agencies na nakatakdang maglunsad ng relief operation sa mga lugar na apektado ng bagyo.

Tutulong din sila para magkaroon ng komunikasyon ang Office of Civil Defense.

BAGONG LPA PAPASOK SA PH

INALERTO ng Pagasa ang mga residente ng Mindanao dahil sa bagong namumuong sama ng panahon na inaasahang papasok sa susunod na linggo.

Ayon kay Pagasa forecaster Aldzar Aurelio, maaaring sa Lunes ay nasa loob na ito ng Philippine area of responsibility (PAR).

Inaasahang mararamdaman ito sa Martes o Miyerkoles.

Gayonman, tiniyak ng Pagasa na hindi ito magiging kasing lakas ng super typhoon Yolanda.

Kung magiging ganap na bagyo ay papangalanan ito bilang tropical depression Zoraida na magiging ika-25 sama ng panahon para sa 2013.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *