MALUNGKOT NA NAGPAALAM SINA MARIO AT DELIA KAY ALING PATRING NA TUMAYO NILANG IKALAWANG INA
Tumango ang kanyang asawa at ipinakita ang maliit na supot na telang nakasabit sa leeg nito.
“Meron na tayong pang pasahe sa barko,” ani Delia nang ipahawak sa kanya ang salaping napagbilhan nito sa kanilang mga gamit at kasangkapang-bahay.
“Mula rito, diretso tayo ng Maynila para mag-barko sa piyer,” aniyang sumapo sa ba-tang lalaki na kinuha niya sa mga bisig ng ina nitong si Delia.
Hindi niya nakali-mutang pasalamatan si Aling Patring.
“Hindi ko po malilimutan ang mga itinulong n’yo sa aming mag-asawa,” pinisil niya nang mahigpit ang mga palad ng matandang babae.
“Kung may magagawa pa ako para makatulong sa inyo ay ginawa ko na sana,” anitong may lungkot sa tinig. “Ingat kayo…At samahan nawa kayo ng Poong Maykapal.”
Nang kunin ni Delia ang bag na kinalalagyan ng ilang pirasong damit ng pamilya ay napayakap ito kay Aling Patring.
“Kung kelan tayo magkakalayo na ay saka ko lang nakilala ang pagiging ina ninyo sa ‘min ng mister ko,” ang namutawi sa mga labi ng maybahay ni Mario.
Ang lagpas-balikat na buhok ni Delia ay hinaplus-haplos ng matandang babae.
“Mabuting tao kayo ng mister mo. Sa’n man kayo makarating ay makakasumpong kayo ng isang inang may malasakit sa mga tulad n’yo,” ang mga kataga nitong nanuot sa kaibuturan ng puso nina Delia at Mario.
(Subaybayan)
Rey Atalia