BINAWALAN ng Manila police ang mga magulang na dadalaw sa puntod ng mga yumao nilang mahal sa buhay na huwag nang bitbitin ang kanilang mga paslit na anak sa Undas.
Paalala ni Chief Inspector Claire Cudal, tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), dahil na rin sa taunang problema sa pagkawala ng mga paslit na dala ng mga magulang sa Manila North at South Cemetery at La Loma Cemetery.
Pinayuhan din ni Major Cudal ang mga magulang na sakaling hindi maiwasan ang pagdadala ng mga bata, ay sabitan ng ID na nagsasaad ng pangalan ng bata, tirahan at contact number ng magulantg o guardian.
Sa sandali ng pagkawala, makipag-ugnayan agad sa command center ng Manila Social Welfare Department sa entrada ng Manila North Cemetery sa bahagi ng Blumentritt St.
(leonard basilio)
PRESYO NG BULAKLAK SA DANGWA TUMAAS PA
Dumagsa ang mga namimili ng bulaklak sa Dangwa, Maynila dalawang araw bago ang Undas.
Madaling araw pa lamang, buhol-buhol na ang trapiko sa paligid ng Dimasalang, Laong-Laan at A.H. Lacson.
Pero halos lahat ng mga namimili, umaaray sa pagtaas ng presyo ng mga bulaklak.
Ang noo’y nabibili ng P250 kada dosenang rosas, pumalo ngayon ng P350.
Ang mga dating nasa P350 ang presyo, ngayon nasa P500-P600 na ang kada-dosena.
Ang mga orchids at Malaysian mums na hindi nakaayos ay P150-P160 habang P400-P450 kapag naka-arrange na.
Ayon sa mga tindera tumaas ang presyo dahil tumaas na rin ang halaga ng kuha nila sa Laguna at Baguio.
PNP ALERTADO SA UNDAS
SIMULA kahapon, nasa full alert status na ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang seguridad ng mga taong tutungo sa mga sementeryo para bisitahin ang kanilang namayapang mga mahal sa buhay.
Ayon kay PNP Police Deputy Director General for Operations Felipe Rojas, nakalatag na ang inihandang seguridad ng pulisya para sa Araw ng mga Patay sa Nobyembre 1 na matagal na nilang inayos bago pa man ang barangay elections.
Habang ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ay magpapakalat din ng mahigit 1,000 pulis sa mga sementeryo.
Sa kabilang dako, inilunsad ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang “Oplan Ligtas Biyahe” upang masiguro na ligtas ang mga pasahero na magsisiuwian sa kani-kanilang probinsya.