KRITIKAL ang kalagayan ng isang construction worker makaraang barilin ng dating kasamahan sa trabaho kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ayon sa mga doktor ng San Juan de Dios hospital, bala ng kalibre .45 ang tumama sa likurang bahagi ng katawan at kaliwang braso ng biktimang si Darius de Leon, 37, stay-in construction worker sa itinatayong bodega sa Cuneta Avenue, Pasay City.
Tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na si Restor Ribalde, 57, ng 704 B-73 Apelo Cruz, Ma-libay.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Joel Landicho ng Station Investigation and Detective Management Section, Pasay City Police, 6:20 ng gabi nang maganap ang insidente.
Pumasok ang suspek sa loob ng barracks na tinutuluyan ng mga construction worker at agad pinagbabaril si De Leon.
Hinala ng pulisya may kaugnayan ang krimen sa pagkakasibak ng suspek sa kanyang trabaho bilang lead man. (J. GARCIA)