INAAYOS na ng Philippine Embassy sa Washington ang agarang pagpapauwi sa labi ng Filipino welder na si Peter Jorge Voces, sinasabing nahulog habang nagtatrabaho sa isang oil rig sa Gulf of Mexico.
Kinompirma kahapon ni Philippine Ambassador Jose Cuisa, narekober na ng US Coast Guard ang labi ng biktima, tatlong araw matapos maiulat na nawawala.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing natangay si Voces nang bumagsak na storage tank habang nagtatrabaho sa isang oil platform.
Binanggit naman ni Philippine Consul General Leo Herrera Lim, nakikipag-ugnayan na ang Philippines Consulate General sa Chicago para sa agarang pagpapauwi sa labi ng biktima.
Si Voces ay bahagi ng crew na nagtatrabaho sa Vermillion Block 200, oil platform na nasa layong 55 miles sa katimugan ng Freshwater Bayou.
Napag-alaman din na isang registered overseas worker ang biktima at na-deploy bilang welder/fitter ng local manning agency na 88 Aces Maritime Services.
(JAJA GARCIA)