NAGSIMULA nang mag-imbestiga ang National Collegiate Athletic Association sa kaso ng point guard ng San Beda College na si Ryusei Koga na umano’y naglaro sa isang ligang pambarangay kamakailan.
Sinabi ng tserman ng Management Committee ng NCAA na si Dax Castellano ng punong abala ng College of St. Benilde na magkakaroon ng desisyon tungkol sa bagay na ito ngayong araw.
“The MANCOM is now looking into these allegations,” wika ni Castellano. “We’re still in the process of investigating this.”
Inilabas sa isang sports website ang video ni Koga na naglaro sa isang liga sa Paranaque habang ginaganap ang NCAA season na paglabag sa patakaran ng liga.
Kung mapapatunayan ang alegasyong ito, papatawan si Koga ng tatlong larong suspensiyon at mababale-wala ang apat na panalo ng Red Lions kung saan siya naglaro.
At kung mangyayari ito, babagsak ang San Beda sa ika-apat na seed sa Final Four at kailangang talunin nito ang Letran nang dalawang beses para makapasok sa finals.
Sa ganito ring senaryo ay aakyat ang San Sebastian College sa ikalawang seed at hawak ng Stags ang twice-to-beat na bentahe kontra Perpetual Help.
Tinalo ng SSC ang Perpetual, 81-71, sa kanilang playoff noong Martes.
“We don’t have any control about the situation. I cannot say anything about it right now. All I can say is that it’s a blessing for us to be at number 3 even though we’re a group of no-namers,” ani Stags coach Topex Robinson.
(James Ty III)