TINANGGAP muna ng Miami Heat ang kanilang championships ring bago nila tinusta ang Chicago Bulls, 107-95 sa pagbubukas ng 2013-14 National Basketball Association kahapon.
Muntik malusaw ang ipinundar na 25-point lead ng two-time defending champions Heat dahil naibaba ito ng Bulls sa walong puntos, 95-87 matapos sumalaksak si Carlos Boozer may 2:47 minuto na lang sa Fourth period.
Kumana si Shane Battier ng 4-of-4 sa 3-point range kasama ang isang importanteng tres sa gilid may 1:33 minuto na lang sa orasan upang ilista ang unang panalo sa Miami.
‘’You never know what to expect when you’re trying to keep the main thing, and that’s the game,’’ ani Heat coach Erik Spoelstra. ‘’But you can’t deny the emotions and what a special moment it was for everybody in the organization because we know how difficult that was and how harrowing that was last season.
Pinangunahan ni four-time Most Valuable Player Lebron James ang opensa ng Heat matapos magtala ng 19 points, walong assists at anim na rebounds upang biguin ang pagbabalik ni Bulls superstar Derrick Rose.
Nag-ambag si Chris Bosh ng 16 puntos, anim na boards at tatlong blocks habang may 13 puntos, apat na rebounds at tatlong assists si Dwyane Wade para sa Miami.
Nagpakitang gilas sa umpisa ng first canto ang Bulls, 9-2 subalit uminit agad ang Heat para tapusin ang first half na nasa unahan, 33-54.
Masama ang field goal shooting ni Rose na may 4-of-15 nagsumite lang ito ng 12 puntos at apat na assists.
‘’If anything, I’m disappointed in the loss. My performance, I can easily change that by making shots and keep down the turnovers., ‘ sabi ni point guard Rose.
Kumayod si Boozer ng 31 puntos, pitong rebounds at dalawang assists habang nakatuwang nito si Bull guard Jimmy Butler na nagsumite ng 20 puntos at tig tatlong rebounds at assists.
Sa ibang resulta, pinagpag ng Indiana Pacers ang Orlando Magic, 97-87 habang nanaig din ang Los Angeles Lakers kontra Los Angeles Clippers, 116-103.
(ARABELA PRINCESS DAWA)