INAASAHAN na magiging madugo ang rematch nina Nonito Donaire at Vic Darchinyan sa darating na Nobyembre 9 na lalarga sa Texas.
Parehong may gustong patunayan ang dalawang boksingero sa magiging paghaharap nila sa nasabing rematch pagkatapos ng mahigit na anim na taon, kaya inaasahan na ilalabas nilang dalawa ang lahat ng lakas sa arsenal para talunin ang isa’t isa.
Nagharap ang dalawang boksingero noong 2007 na napanalunan ni Donaire ang laban via KO win sa 6th round.
Pagkatapos ng labang iyon ay simulang sumikat si Donaire samantalang nagkumahog naman si Darchinyan na muling buuin ang pangalan na binasag ng knockout loss na iyon.
Ngayon ay handa na si Darchinyan na harapin muli ang Filipino Flash. Nasa rurok muli siya ng tagumpay, samantalang si Donaire ay may misyon na ibalik ang gumuhong pedestal na ipinundar niya sa boksing pagkatapos na matalo kay Guillermo Rigondeaux.
Sa edad na 37 ay nananatiling competitive si Darchinyan. Natalo may siya kay Joseph Agbeko noong 2009 at kay Abner Mares nitong 2010 ay nakabalik siya sa winning form nang gibain niya sina Anselmo Moreno at Shinsuke Yamanaka noong 2011 at 2012 ayon sa pagkakasunod.
Llamado man sa laban si Donaire, naniniwala ang fighting pride ng Pilipinas na hindi siya dapat magkompiyansa ng sobra sa laban dahil si Darchinyan ang pinakadelikadong boksingero sa kanyang dibisyon na may kapasidad na gumiba ng kalaban sa isang pagkakamali.