HALOS inaamoy na ni Raymond Almazan ng Letran ang pagiging MVP ng National Collegiate Athletic Association para sa Season 89.
Ayon sa mga nakahawak ng statistics ng liga, milya-milya ang layo ng 6-7 na si Almazan mula sa mga humahabol sa kanya para sa parangal.
Naga-average ngayon si Almazan ng halos 16 puntos, 12 rebounds at dalawang supalpal bawat laro para sa Knights na tumapos sa ikalawang puwesto sa pagtatapos ng elimination round na may 14 panalo at apat na talo.
Bukod sa pagiging MVP, pasok din si Almazan sa Mythical Five at selyado na rin niya ang pagiging Defensive Player of the Year.
Pagkatapos ng NCAA, aakyat na si Almazan sa PBA kung saan inaasahang pipiliin siya ng Rain or Shine bilang ikatlong pick sa rookie draft na gagawin sa Linggo sa Robinson’s Manila. (James Ty III)