UUWI NG CEBU SINA MARIO AT DELIA MATAPOS IBENTA ANG KANILANG MGA GAMIT SA BAHAY
‘Ibenta mo ang lahat ng gamit natin na pwedeng maibenta para may maipasahe tayo. Kapag may dala ka nang pera, punta ka sa lugar ni Baldo. Du’n lang ako maglalagi sa tolda ng bahay niya. Magbitbit ka na rin ng ilang pirasong damit natin.’
Lumuwag-luwag ang bahay na inuupahan nina Mario at Delia. Wala na sa dulong sulok ng kanilang tirahan ang de-salamin na patungan ng telebisyon at ang telebisyon mismo na de-kulay at may sukat na labingpitong dali. Wala na rin ang de-padyak na makinang panahi sa makapasok ng pintuan ng kabahayan. Wala na rin ang tangke at kalan de-gas sa kusina. Wala na rin doon ang pabilog na mesang kainan at mga silyang plastik na katerno nito. Ultimo plantsa, dinispatsa rin ni Delia. Ang lahat ay naibenta na. At ang tanging maiiwan na lamang doon sa naging pugad ng pagmamahalan nina Mario at Delia ay ang magagandang nilang mga alaala.
Karga ang anak na may nakasubong tsupon sa bibig ng tinimplang gatas sa bote, sinamahan si Delia ni Aling Patring sa pakikipagkita kay Mario.
Napaangat si Mario sa kinauupuang lata ng biskwit nang matanaw ang paghangos ng kanyang mag-ina at ni Aling Patring. Hindi na siya nakapaghintay at sinalubong niya ang mga ito sa daang-tao sa gilid ng matayog na pader ng pabrika.
“Makakauwi tayo ng Cebu?” naitanong niya kay Delia nang may pananabik.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia