PINILIT NI MARIO NA MAKAPAGHATID NG MENSAHE KAY DELIA SA BOLPEN AT PALARA
Matagal-tagal siyang nanalungko sa pagkakaupo sa kalawanging lata ng biskwit na naroon sa makalabas ng tirahan ng kamanggagawa. Katagalan, si Aling Patring ang napagpasiyahan niyang istorbohin muli.
Natagpuan ni Mario sa tabing-kalye si Aling Patring na nag-aalok-alok ng basahan sa mga nagdaraang pampasaherong dyipni. Pandong sa ulo ang isang pabilog na basahan, ang init ng araw sa tanghali ay tinitiis nito sa tatlo-sampung pisong panindang yakap ng mga butuhang mga bisig. Pagkakita sa kanya ng matandang babae, takang-gulat itong napanganga sa harap niya.
“Makikiusap po akong muli,” bungad niya, hawak ang isang kamay ng matandang babae na kinaray niyang papasok sa isang maliit na karinderya. “Dito po tayo…”
Umorder siya ng lugaw at tokwa para sa dalawa.
Sa pagitan ng mga pagsubo sa pagkain ay ipinagtapat niya ang mga dapat malaman ni Aling Patring. Payag na payag naman sa ipinagagawa niya. Bukod sa berbal na mga tagubilin, gumamit din siya ng bolpen at palara ng sigarilyo upang maiparating kay Delia ang kanyang mga mensahe. Isinulat niya: Umuwi na si Baldo sa probinsiya. Dapat siguro’y makauwi na agad tayo sa Cebu. (Subaybayan bukas)
Rey Atalia