UNA pa mang ipakita ang trailer ng Honesto sa ABS-CBN2, marami na ang naintriga sa bidang bata rito. Marami na ang natuwa at nasabik kung kailan ba nila masisilayan ang bagong teleserye ng Kapamilya Network na tumatalakay ukol sa kahalagahan ng katapatan.
Sa Lunes (Oktubre 28), matutunghayan na ng buong sambayanan ang teleseryeng napapanahon, ang Honesto na pinagbibidahan ng limang taong gulang na si Raikko Mateo na nagmula sa San Marcelino, Zambales.
Dumaan sa audition si Raikko at walang nagdalang agent sa kanya sa Dos. Kasama lamang niya ang kanyang ina at ama na nagtungo sa naturang audition. Tatlo silang finalists na napili ng Dreamscape Entertainment TV na sumailalim sa audition. ”Actually, nakailang paghihintay nga sila, pinabalik-balik para sa audition nilang tatlo. Naghihintay sila kahit galling pa sila ng Zambales,” ani Deo Endrinal, Business Unit head ng ABS-CBN.
At dahil sa pagka-inosente, cute, at nangungusap na mga mata, napili si Raikko na kasalukuyang nasa Kinder 2. At ngayong artista na siya, ikinuha siya ng Dreamscape ng private tutor para hindi naman mahuli sa pag-aaral ang bagets. Itinira rin nila ang pamilya ng bata sa isang condominium para hindi na sila mahirapang magpabalik-balik pa mula Zambales patungong taping dito sa Maynila.
“Well taken care of po si Raikko. Sumusunod po kami panuntunan ng DOLE at lahat ng pangangailangan ng tulad ng isang bata na tulad niya ay ibinibigay po namin,” sambit naman ni Biboy Arboleada, Ad and Promo manager of ABS-CBN.
Pagiging inosente at excited
Kung kakaiba ang pangalan ni Raikko ay dahil kinuha pala ito ng kanyang ama sa driver ng F1. Mahilig kasi sa car race ang ama ni Raikko at isa sa magaling na driver doon ay si Raikko.
Ayon naman kay Ethel Espiritu, program manager ng Honesto, kakaiba si Raikko sa mga batang nag-uumpisang mag-artista. ”Bagong-bago talaga siya dahil ‘yung pagka-inosente niya makikita mo. Pagkakatapos ng take, titingnan niya sa monitor kung ano ‘yung kinunan. Tapos kapag wala siyang take, andoon pa rin siya gusto niya nanonood siya. Kahit nga ‘yung simpleng magpapakuha kayo ng picture, parang naa-amaze siya na nakikita niya sarili niya.”
Wala naman daw silang nakikitang attitude sa bata o ‘yung pagmamaktol lalo na kung bagong gising ito. ”Lagi siyang excited. Kasi ‘pag hapon, pinatutulog talaga namin siya. Tapos kapag nagigising na siya, excited siya na umarte na uli,” kuwento pa ni Ms. Ethel.
Close raw sa kasalukuyan si Honesto kina Janice at Ka Eddie. Pero tila may instinct daw ito dahil kahapon bago mag-umpisa ang presscon, sinabi raw nitong gusto niyang sabay silang papasok ni Paulo. At nang makita nga nito ang actor, kaagd daw humawak sa kamay si Honesto na talagang animo’y mag-ama sila sa tunay na buhay.
Nag-artista dahil gusto langmakita ang sarili sa TV
Iginiit naman ni Raikko na gusto niyang mag-artista dahil gusto lamang niyang makita ang sarili sa TV. At ang idol niya ay walang iba kundi si Coco Martin.
Makakasama ni Raikko sa Honesto sina Maricar Reyes at Paulo Avelinobilang mga magulang niya, gayundin sina Eddie Garcia, Janice de Belen, Angel Aquino, Nonie Buencamino, Joel Torre, Melissa Ricks, atJoseph Marko.
Kokompleto sa powerhouse cast nito sina Malou Crisologo, Melai Cantiveros, Jason Francisco, Michael Conan, Josh Ivan Morales, atJanna Agoncillo. Kasama rin si Spanky Manikan para sa natatanging pagganap.
Ididirehe ito nina Jerry Lopez Sineng at Darnel Joy Villaflor. Ito ay ang pinakabagong obra ng Dreamscape, ang grupong lumiha ng matagumpay na inspirational drama series na May Bukas Pa at 100 Days To Heaven;phenomenal teleseryeng Walang Hanggan at ang malapit nang matapos naJuan dela Cruz.
Istorya ng Honesto
Iikot ang istorya ng batang si Honesto, ang bunga ng pagmamahalan nina Paulo at Maricar. Dahil sa kakaibang katangian na taglay ng pamilya ng kanyang ina, namana ni Honesto ang pamumula ng kanyang ilong sa tuwing siya ay nagsisinungaling.
Paano paghihiwalayin at pagtatagpuin ng katotohanan ang mga pamilya at pusong nasaktan dahil sa kasinungalingan? Mabubura ba ng kabutihan at busilak na kalooban ang lahat ng kasakiman sa mundo?
Kaya huwag palampasin ang pagsisimula ng kuwentong tapat at totoo,Honesto ngayong Lunes na pagkatapos ng TV Patrol.
Ngayon pa lang ay gusto naming batiin ang Dreamscape at ABS-CBN dahil nakatitiyak kaming marami ang tatangkilik sa teleseryeng ito. Isang teleseryeng napakaganda ng layunin. Hangad lang namin na mapanood ito ng mga taong nasa politika para kahit paano’y magising sila sa tama atng gawi ng buhay para naman maging honest sila.
Maricris Valdez Nicasio