KALABOSO ang dalawang lalaking nag-check-in sa isang hotel nang mabisto ang kanilang paglimas sa mga kagamitan sa loob ng inokupahang kwarto kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Naisakay na sa taksi ng mga suspek na sina Jay Richard de Leon, 30, ng 1909-G Maria Orosa St., Malate, Maynila at kasamang Iranian national na si Nader Has-sinzadeh, 28, pansamantalang nanunuluyan sa 1930 Jorge Bocobo St., Malate, ang mga tinangay na gamit na inilagay sa malaking maleta nang pigilan ng roomboy na si Joseph Villarama, 25, na makaalis hangga’t hindi naiinspeksiyon ang inokupahan nilang kwarto.
Kabilang sa mga tinangay ng dalawa ang 32” flat TV, electric pot, telephone shower at dalawang bath towel na may kabuuang halagang P24,200.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Allan Valdez ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police, nag-check in sa Queensland Hotel, F.B Harrison St., ang dalawa dakong 8:00 ng gabi kamakalawa at nagbayad agad ng P613 para sa 12-oras na pananatili sa room 355.
Gayonman, alas 4:00 pa lamang ng madaling araw ay tumawag na ng taksi si De Leon at ikinarga agad ang dalang maleta na ipinagtaka ng roomboy kaya pinigilan niya at ng security guard na si Jerry Fial ang pag-alis ng taksi kaya’t nabisto ang modus operandi ng mga suspek. (JAJA GARCIA)