TINIYAK ng Department of Health (DoH) na kontrolado na ang mga kaso ng leptospirosis sa Olongapo, ilang araw matapos na tumama ang matinding baha.
Iniulat ni DoH Sec. Enrique Ona, umabot na sa “peak” ang bilang ng mga nabiktima kaya kamakalawa ay tatlo na lamang ang bagong na-admit sa ospital, habang isa naman kahapon.
Batay sa impormasyong nakalap ng DoH, umabot na sa 11 ang patay mula sa kabuuang 631 na mga tinamaan ng sakit.
Sa naturang bilang ay nasa 249 ang dinala sa ospital, habang nasa 178 na lamang ang nananatili lalo na sa James L. Gordon Memorial Hospital.
Umaabot naman sa 57 mga pasyente ang sumasailalim sa renal dialysis matapos na magkaroon ng renal failure.
Paliwanag pa ni Ona, temporaryo lamang ang pagkakaroon ng renal failure ng mga pasyente dahil pagkatapos sumailalim sa isa hanggang dalawang dialysis ay unti-unti nang gagaling ang mga tinamaan.
Aniya, lahat ng mga pasyente na nagkaroon ng leptospirosis ay covered ng kanilang PhilHealth at libre rin ang pagsasailalim sa dialysis.
Napansin naman ng DoH na karamihan sa mga nagkaroon ng leptospirosis, 80 porsyento ay mga lalaki na lumusong sa baha.
Karamihan din sa mga residente na tinamaan ay mula sa squatter area.
(LEONARD BASILIO)