UMUWING LASING NA NAMAN SI MANG PILO NA LABIS NA IKINAGALIT NI ALING OSANG
“Tumatanda kang paurong,” simangot ni Aling Osang sa mister na naupong pasandal sa dingding ng barung-barong. “Buti ‘ala tayong anak. Kung me anak tayo, pa’ano na? Konting kita, ipinang-iinom pa.”
Tinakpan ni Mang Pilo ng palad ang magkabilang tainga upang hindi makulili ang pandinig sa pagbubusa ni Aling Osang. Ngunit ang tunay na dahilan sa napapadalas na paglalasing ay isinisigaw ng konsiyensiya nito sa pagmulat pa lang ng mga mata.
Lunes na uli. Inagapan ni Mang Pilo ang pagdalo sa korte. Mag-aalas-nuwebe lang ng umaga ay nasa mahabang upuan na ito sa labas ng sala ng hukom na didinig sa kaso ni Mario.
Nakaposas ang mga kamay ni Mario, inieskortan ng dalawang bagitong pulis na galamay ni Sarge. Kaagapay niya sa paglalakad ang asawang si Delia.Walang kaimik-imik ang kanyang maybahay. Nasusulyapan niyang pandalas ang pagbabasa nito ng laway sa mga labi na pagkaraa’y mariing itinitiim. Si Sarge, gaya ng dalawang kasama, ay kumpleto ang suot na uniporme. Nangunguna ito sa paglalakad sa unahan ni Mario na mistulang isang magilas na kadete na nasa parada.
Pumasok pa lang si Mario sa sala ng huwes na lilitis sa kanyang kaso ay nagpalinga-linga na siya. Hindi pa niya namamataan si Atorni Lando Jr. (Itutuloy)
Rey Atalia