KINOMPIRMA ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na walo na ang patay habang apat ang nawawala sa Pampanga, Nueva Ecija at Aurora kasunod ng pananalasa ng bagyong Santi.
Sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) Spokesman Major Reynaldo Balido, nagpapatuloy pa ang kanilang monitoring sa mga lalawigang matinding sinalanta ng pagbaha.
Ayon kay Balido, patuloy sila sa pangangalap ng mga impormasyon mula sa field partikular sa regional offices.
Sa isinagawang press conference sa tanggapan ng NDRRMC sa Kampo Aguinaldo sa Quezon City, tiniyak ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sapat na supply ng relief goods.
Una rito, nagpapatuloy ang rescue operations sa San Miguel, Bulacan bunsod ng pagbahang dulot ng bagyong Santi.
Sinabi ni Bulacan Gov. Willy Alvarado, mula apat hanggang walong talampakan ang baha sa ilang barangay sa San Miguel kamakalawa ng gabi kaya puspusan ang kanilang rescue operations.
Ayon kay Alvarado, halos lahat ng mga barangay sa nasabing bayan ay nalubog sa baha.
Tinukoy na ang binahang mga lugar ay catch basin ng Pampanga at Nueva Ecija.
14 LANSANGAN SA LUZON ‘DI MADAANAN DAHIL KAY SANTI
Kabuuang 14 lansangan sa Luzon ang hindi madaanan dahil sa pananalasa ng Bagyong Santi.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang dito ang limang kalsada sa Aurora na may gumuhong lupa.
Hindi naman madaanan ang Bigaa-Plaridel via Malolos, Bulacan Road Panginay section dahil sa taas ng baha.
Hirap din ang mga motoristang makadaan sa Daang Maharlika Road sa boundary ng San Ildefonso at San Miguel, Bulacan, gayondin sa Salangan section sa San Miguel.
Sa Nueva Ecija, may mga kalsada rin na hindi madaanan dahil sa mga nabuwal na puno at poste ng koryente partikular ang Pinagpanaan-Rizal-Pantabangan Road, Daang Maharlika Road at Cabanatuan Maharlika Road.
Habang sa Pampanga, maputik ang Baliuag-Candaba – Sta. Ana Road.
2,600 STRANDED KAY SANTI
UMABOT na sa 2,600 ang bilang ng mga pasaherong stranded sa mga pantalan dahil sa pananalasa ng bagyong Santi.
Sa tala ng Philippine Coast Guard (PCG), mahigit 1,400 pasahero ay nasa pantalan sa Batangas habang mahigit 500 pasahero ang nasa Cebu.
Umakyat sa mahigit 250 pasahero ang hindi makaalis sa Port of Manila.
Umabot sa 2,606 pasahero ang stranded nang hindi payagang bumiyahe ang 21 sasakyang pandagat.
2 BAYAN SA BULACAN LAGPAS-TAO ANG BAHA
lampas-tao ang baha sa ilang lugar sa San Miguel at San Ildefonso, Bulacan sa hagupit ng bagyong Santi, ayon sa Office of the Civil Defense Region 3.
Sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), 49 barangay sa San Miguel ang lubog sa baha. Hindi naman madaanan ang Daang Maharlika Highway sa boundary ng San Ildefonso at San Miguel dahil sa rumaragasang baha.
Sinusulat ang balitang ito ay stranded pa ang maraming motorista na umabot na sa dalawang kilometro ang pila ng mga sasakyang hindi makagalaw.
“Maraming mga taong nag-akyatan sa mga bubong ng bahay sa gawi ng San Miguel. Ito ay noong kalakasan ng bagyo na ang hangin at ulan ay dumating nang sabay,” sabi pa ng gobernador.
Gayonman, binabantayan pa rin aniya ng lokal na pamahalaan ang tubig na manggagaling sa Nueva Ecjia. Bumababa na rin aniya ang nasabing tubig sa Candaba, Pampanga na sinasalo naman ng Calumpit at Hagonoy.
Biyernes ng gabi nang tumama sa Luzon si Santi at ngayo’y nasa West Philippine Sea na.
(Barbi Capiral)
2 BEBOT, PATAY KAY SANTI SA BULACAN
Dalawa ang patay sa pagbaha sa Bulacan sa kasagsagan ng bagyong Santi.
Ito ang kinompirma ni San Miguel Vice Mayor Ivy Coronel kahapon ng hapon.
Sa report, parehong babae ang nalunod na nakilala ang isa sa pangalang Kring-Kring, at Teresita Manabat na nabagsakan sa gumuho nilang bahay.
Isinusulat ang balitang ito, hinahanap pa rin ang dalawang napaulat na nawawala sa biglaang pagtaas ng baha sa lugar.
Hataw News Team