SINIBAK sa kanilang pwesto ang tatlong chief of police (COP) sa Metro Manila dahil sa pagdoktor ng crime rate statistics sa kani-kanilang areas of responsibility (AOR).
Ayon kay PNP-PIO chief, S/Supt. Reuben Theodore Sindac, ang pagkakasibak sa pwesto sa tatlong opisyal dahil sa pagdodoktor ng statistics ng krimen ay bahagi ng programa ng pambansang pulisya na serbisyong makatotohanan.
Sinabi ni Sindac, mahigpit na ipinagbabawal ng pamunuan ng PNP ang pag-imbento ng statistics sa lahat ng mga insidente ng krimen.
Ang tatlong nasibak na chief of police ay kinilalang sina S/Supt. Rodolfo Llorca, chief of police ng Pasay City; S/Supt. Florendo Quibuyen, hepe ng Mandaluyong police; at S/Supt. Arthur Felix Asis, chief of police ng Taguig City.
Nahaharap sa kasong administratibo ang tatlong hepe ng pulisya na posibleng ma-dismiss sa serbisyo dahil sa serious neglect of duty.
Isinailalim sa administrative holding status ang tatlong opisyal sa headquarters ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig habang dinidinig ang kanilang kaso.
Sa kabilang dako, nagsasagawa na ang NCRPO ng pre-charge investigation laban sa pito pang chief of police at station commanders na sinasabing nagdoktor din ng statistics sa crime rate sa kani-kanilang nasasakupan.
HATAW News Team