NAG-ULAT daw ng kanyang ika-100 araw si ex-Pres. Erap Estrada bilang alkalde ng Maynila (pero under protest pa ito).
Tinawag nilang ULAT SA MASAMA ‘este’ MASA ang ulat ni Erap.
Pero sa lugar na ginanapan pa lang ng kanyang ulat ay mukhang SALTO na.
ULAT SA MASA pero sa 5-star na Manila Hotel ginanap?!
Bakit hindi sa Plaza Miranda, sa city hall o kaya ay sa Tondo o kaya ay sa Bonifacio Shrine?!
Kanino ba talaga siya nag-ulat sa MASA o sa mga negosyanteng nagbigay sa kanyang campaign fund nitong nagdaang eleksiyon?!
Ano ang ini-report ni ex-Pres. Erap?
Wala na raw SUGAL sa Maynila. Weee?
‘E bakit pinagsisisibak n’ya ‘yung mga PCP commanders kung wala na talagang SUGAL sa MAYNILA?!
Saka bakit PCP commanders lang? Bakit hindi ‘yung mismong station commanders!?
Wala na raw KOTONG sa Maynila … weeee (ulit)?
‘E araw-araw ngang UMIIYAK ang mga vendor sa DAMI ng NANGONGOTONG sa kanila.
Hindi raw nangyari ‘yan sa kanila noong panahon ni Mayor Alfredo Lim. Dahil binigyan sila ng oras at lugar ni Mayor Lim kung saan at kailan sila pwedeng maglatag ng paninda.
Ngayon, para silang kriminal na tinutugis kapag naglalatag ng paninda, pagkatapos ‘e halos kunin pa ng mga MANGONGOTONG mula sa Hawkers at DPS ang kinita nila sa maghapong pagtitinda at pakikipaghabulan sa mga mangongotong.
Ang mga BASURANG nagkalat ngayon na noong nangangampanya si Erap ay nagsabing marumi ang Maynila. Sandamakmak na rin at kung saan-saan namemerhuwisyo ang mga ipinagbawal noon ni Mayor Lim na towing/wrecker truck na hulidap ang lakad.
Kumusta naman ang ANIM na OSPITAL sa LUNGSOD ng MAYNILA?!
Mayroon bang iniulat si ex-Pres. Erap tungkol dito?
Paglalaanan ba nila ng BUDGET ang anim na ospital o tuluyan nilang sisirain ang serbisyo at hihiyain sa publiko ang administrasyon ng bawat ospital para magkaroon sila g dahilan na IBENTA na lang sa pribadong grupo?!
FYI Yorme Erap, umiiyak na ang mahihirap na residente ng Maynila ngayon dahil kung noon sa panahon ni Mayor Lim ay libre ang mga gamot ngayon ‘e WALA nang libreng gamot sa mga ospital sa Maynila. Ultimo dextrose sila na ang bumibili at baka sa susunod pati bulak ay bilhin na rin nila!?
Tsk tsk tsk …
‘Yan ba ang tunay na para sa MAHIRAP?!
Kayo na po ang humusga.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com