NANINIWALA ang dating manlalaro ng Chicago Bulls na si Ron Harper na malaki ang maitutulong ng NBA Global Game sa Oktubre 10 para palakasin ang presensiya ng liga sa Asya.
Sa harap ng mga manunulat sa kanyang kuwarto sa Sofitel Hotel sa Pasay, sinabi ni Harper na sa lahat ng mga bansa sa Asya, mas nakatutok ang mga Pinoy sa NBA kaya umaasa siya na dudumugin ang laro ng Houston Rockets at Indiana Pacers kahit pre-season lang ito.
“I’ve heard a lot of good stories about Manila and I’ve been trying for the last five years to come here,” wika ni Harper na dating kakampi ni Michael Jordan sa Bulls na naghari sa NBA mula 1996 hanggang 1998.
“The NBA game is now global and having the game in Manila is a good starting point. Even if it’s just a pre-season game, this will expose Filipinos to NBA action. I expect both teams to play hard and have fun. It will be a good show.”
Idinagdag ni Harper na ang kanyang pinakamasarap na alaala sa kanyang paglalaro sa NBA ay ang pagkampeon ng Bulls noong 1996 kung saan nanalo sila ng 72 na beses sa regular season at tinalo nila ang Seattle Supersonics sa NBA Finals.
Samantala, bago ang biyahe ng Pacers patungong Maynila ay natalo sila kontra Chicago Bulls, 82-76, sa kanilang pre-season na laro kahapon.
Nagtala si Derrick Rose ng 13 puntos sa loob lang ng 20 minuto sa kanyang unang laro para sa Bulls pagkatapos ng mahaba niyang pahinga dahil sa kanyang pilay sa paa dalawang taon na ang nakaraan.
Darating ang delegasyon ng Pacers at Rockets ngayong araw para sa kanilang laro sa Huwebes.
(James Ty III)