NAKAHANDA ang Palasyo na ipagtanggol ang legalidad at kawastuhan ng Disbursement Acceleration Program (DAP) sa Korte Suprema matapos kwestiyonin ang constitutionality nito ni dating Manila Councilor Gregor Belgica.
“We are confident that we can ably defend the position on the creation as well as the use of the Executive of the DAP,” ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Sa kanyang inihaing petisyon sa Kataas-taasang Hukuman, iginiit ni Belgica na ipinagbabawal sa Konstitusyon ang pagpasa ng ano mang batas na nagpapahintulot ng paglilipat ng pondong inilaan sa sangay ng ehekutibo sa lehislatura.
“In any decision or in any program that the President approves or any policy that he adheres to, he is always ready to defend his position in any ve-nue,” sabi pa ni Valte.
Magugunitang inamin ng Palasyo na kasama sa pondo ng DAP ang savings ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at inilaan ito sa mga proyektong tinukoy ng mga mambabatas na tustusan.
Inihayag din ng Malacañang na may basbas ni Pangulong Benigno Aquino III ang paghugot sa mahigit P1 bilyong DAP funds na ipinamudmod sa mga proyekto ng mga mambabatas, ilang buwan matapos mapatalsik sa pwesto si dating Chief Justice Renato Corona.
(ROSE NOVENARIO)