NAKASUNGKIT ng gold medals nina John Chicano at Marion Kim Mangrobang sa 2013 Cold Storage Singapore Triathlon-ITU Asian Cup Elite Under-23 divisions noong Linggo sa East Coast Park, Singapore.
Lumanding sa overall 13th place sa 42 male competitors si Chicano habang niyapos ni Mangrobang ang pang-10 puwesto sa 17-player female division, sapat upang mag-uwi ng karangalan sa bansa.
Malaki ang naging bentahe para sa mga atleta ang dalawang linggong training sa World Development Junior and Under-23 Camp noong isang buwan sa Portugal.
Inarangkada ni Chicano, pambato ng Sta. Cruz, Zambales, ang ruta sa 2 hours, 13 minutes, at 36 seconds upang lumamang sa kakuwadra sa national team na si Kevin Eijansantos (2:20:39) at Jeaker Nawrooz Hama ng Iraq (2:34:26).
Kumana naman ng 2:27:54 clocking si Mangrobang para duplikahin ang binanda ni Chicano at ng mga kasamahang nakababata sa kanilang sina 2014 Summer Youth Olympic Games candidates Justin Chiongbian at Vicky Deldeo na naka-gold at silver medals sa Kids 13-to-15 age divisions.
Lalong lumakas ang tsansa ng mga Pinoys sa susunod na taong SYOG triathlon qualifying race sa Kazakhstan.
Kasamang lumaban sina Jimuel Patilan, Jared Macalalad, Magali Echauz at Pauline Fornea sa junior men and women na nakapasok sa Top 10 subalit minalas naman sa medalya. (ARABELA PRINCESS DAWA)