ALALA NI MARIO NANG MAKAPASA SA BAR ANG ANAK NI KA LANDO AT ISA SIYA SA BUMATI
“Isa ang anak ni Tatay Lando sa mga nag-top sa bar exams nu’ng nakaraang taon,” si Mario, para nang naglalakbay ang diwa.
Hindi magkamayaw noon sa tuwa ang taong malalapit kay Tatay Lando. Ang malaking sombrero ni Baldo na ipinaikot sa isang manggagawa sa mga ka-manggagawa ay nakalikom ng pambili ng limang kahon ng beer. Isa’t isa sa mesang kinauumpukan ng mga may hawak na tagay ng beer ay naki-kipagkamay at masiglang bumabati sa matandang lalaki. Nakipagdaop-palad din si Mario kay Tatay Lando. At pagkaraan, nakisabay siya sa sabay-sabay pagtungga ng inumin.
“Mabuhay ang bagong abogado ng uring anak pawis!”
“Mabuhayyy!”
Isang malalim na mensahe ang binitiwan ni Tatay Lando sa okasyong ‘yun.
“Bilang isang magulang, natutuwa ako sa pagtatapos ng aking anak na si Junior. Pero sa isang banda ay hindi lubos ang kasiyahan ko. Sa lipunan natin, ilan lang ba ang tulad ng anak ko na nakaigpaw sa pagkakait ng pantay na karapatan, pagkakataon at kalayaan upang mapaunlad ang sarili?”
Napatunganga si Mario sa matandang lider manggagawa. Sa kanyang pananaw kasi, kahit ordinaryong obrero lamang siya ay higit pa rin silang mapalad ni Delia sa nakararaming naghihikahos na pamilya sa kanilang paligid. Magkaiba, ibang-iba ang pana-naw ni Tatay Lando sa kanya.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia