PUSPUSAN na ang paghahanap ng University of the Philippines ng bagong head coach para sa UAAP Season 77.
Isang opisyal ng UP na ayaw magpabanggit ng pangalan ang nagsabing interim coach lang si Rey Madrid ngunit isa si Madrid sa mga kandidato sa puwestong iniwan ni Ricky Dandan na nagbitiw sa kalagitnaan ng Season 76.
Biglaan ang pagkuha kay Madrid sa paghawak ng Maroons kaya wala silang naitalang panalo sa loob ng 14 na laro.
Bukod kay Madrid, ang iba pang mga kandidato sa paghawak ng UP ay ang dating manlalaro ng PBA na si Paolo Mendoza, ang dating coach ng Far Eastern University na si Glenn Capacio at ang head coach ng UP Integrated School na si Allan Gregorio.
“I’m willing to slide down to being a team manager again,” wika ni Madrid. “It’s still up for the UP administration especially the College of Human Kinetics which will be the one to decide if I will continue or not, which is open to me.”
Si Mendoza na naging player ng UP noon ay magiging head coach ng UR Value sa PBA D League kung saan may tie-up ito sa Maroons.
Ang UP ay ikalawang paaralan sa UAAP na may bagong coach sa susunod na taon pagkatapos na hirangin ng Adamson University si Kenneth Duremdes upang palitan si Leo Austria. (James Ty III)