INAMIN ni Talk ‘n Text head coach Norman Black na kakaiba ang naramdaman ng kanyang koponan dahil sa maaga nitong bakasyon sa PBA Governors’ Cup.
Noong Martes ay natalo ang Tropang Texters kontra Barangay Ginebra San Miguel, 110-102, sa playoff para sa huling puwesto sa quarterfinals kaya hindi sila nakapasok sa susunod na round sa unang pagkakataon sa loob ng apat na taon.
Idinagdag ni Black na dalawang linggo lang ang pahinga ng apat niyang pambato sa national team kaya nang nagsimula ang Governors’ Cup ilang araw pagkatapos ng FIBA Asia Championships ay hindi sila gaanong handa sa kompetisyon.
Ngunit masaya pa rin si Black sa ginawa niya sa TNT nang pinalitan niya si Chot Reyes sa paghawak ng Tropang Texters dahil nakuha nila ang kampeonato sa Philippine Cup na sisikapin nilang idepensa sa pagbubukas ng bagong PBA season sa Nobyembre.
Sa ngayon ay magpapahinga ang TNT mula tatlo hanggang apat na linggo at babalik ang Texters sa ensayo sa kalagitnaan ng Oktubre.
“We don’t have any draft picks in the first round. We only have one pick in the second round so we’ll find a way to help strengthen our team,” ani Black.
(James Ty III)