Pinakakasuhan na ng National Bureau of Investigation ng mga reklamong kriminal ang opisyal ng Department of Labor and Employment na sangkot sa sex-for-flight scheme.
Sa final report ng NBI, inirekomenda na maipagharap ng reklamong attempted rape at tatlong bilang ng reklamong “abuses against chastity” ang isang Assistant Labor Attache na naka-assign sa Embahada ng Pilipinas sa Middle East.
Dahil sa ginawang sexual harassment sa tatlong distressed female overseas Filipino workers (OFWs) na humingi ng saklolo sa Embahada.
Inirekomenda rin ng kawanihan na maipagharap ng reklamong attempted rape at abuse against chastity ang isang local hire na nagsilbing driver ng labor attache.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng NBI sa nabunyag na sex-for-flight scheme na ang mga OFW na humihingi ng tulong sa ating Embahada sa Middle East ay sekswal na inaabuso kapalit ng pagkakaloob ng official assistance kabilang na ang pagproseso sa kanilang mga travel document at pagbibigay ng tiket sa eroplano pauwi sa Filipinas.
Bukod sa reklamong kriminal, inirekomenda rin ng NBI ang paghahain ng administrative charges sa nasabing Assistant Labor Attache na inaakusahan ng panggagahasa, gayondin ang Labor Attache na kumuha ng serbisyo ng inirereklamong driver.
Ang pinal na ulat ng NBI ay naisumite kay Prosecutor General Claro Arellano para maisalang ang nasabing mga opisyal sa preliminary investigation.
Isinumite rin ang ulat kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz para sa kaukulang aksyon sa aspeto ng administrative charges.
(LEONARD BASILIO)